QUALIFIED PROFESSIONALS HINIKAYAT MAGING SCHOOL COUNSELORS SA MARIKINA

HINIKAYAT ni Marikina City Mayor Marjorie “Maan” Teodoro ang mga kwalipikadong propesyunal na mag-apply bilang mga full-time school counselor.

Layon ng panawagang ito na punan ang kakulangan sa mga guidance counselor para tutukan ang mental health ng mga estudyante.

Bunsod ito ng halos sunod-sunod na mga insidente ng pagpapakamatay, depression, at school shooting sa iba’t ibang bahagi ng bansa kung saan karamihan sa mga ito ay nakaranas ng bullying.

Bilang pagtalima sa programang ito ng Department of Education (DepEd), may kabuuang 31 bukas na posisyon bilang School Counselor Associate I, ayon sa Marikina City Schools Division Office (SDO).

Pupunan ng mga makapapasang tagapayo ang 33 pampublikong paaralan na binubuo ng 17 elementarya at 16 na paaralang sekondarya sa lungsod.

“Pinasisigla namin ang mga kwalipikadong propesyonal na mag-apply na para punan ang pangangailangan ng aming mga eskwelahan ng mga mental health practitioners,” ang panawagan ni Teodoro.

Ayon pa sa alkalde, pangunahin sa kanila bilang mga opisyal ng lungsod na ilaan hindi lamang ang mga pangangailangan ng mga estudyante sa material na mga bagay tulad ng libreng school supplies at uniporme kundi gayundin ang medikal na pangangailangan.

Sinabi naman ni Alejandro Ibañez, Schools Division Superintendent, kailangang madama ng mga estudyante na ligtas silang mag-aral lalo pa’t may tutulong na sa kanilang mental na kalusugan.

Idinagdag pa ni Ibañez, tututukan ng mga bagong counselor associates ang early intervention, behavioral issues, kaagad na matukoy ang mental distress na magsisilbing red flag bago pa man lumala ang sitwasyon na maaaring mauwi sa bayolenteng gawain.

Malaking kabawasan din umano ito sa teaching workload ng mga guro dahil may tututok nang mga espesyalista.

Binigyang-diin pa ni Mayor Maan na bago nito, may nagawa na silang mga hakbang kaugnay sa kaligtasan ng mga mag-aaral noon pang Hulyo, sa pamamagitan ng deployment ng karagdagang pulis.

Dagdag pa ng alkalde, nagtalaga rin sila ng karagdagang mga tauhan mula sa Office of Public Safety and Security (OPSS) bilang katuwang ng mga pulis at namahagi na rin ng metal detectors sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod.

“Katuwang ng paglalaan natin ng pisikal na seguridad ay ang matibay na suporta sa emosyonal na pangangailangan na sistema kung saan dapat na involve din ang pamilya, mga guro at komunidad,” saad pa ni Teodoro.

Sa kasalukuyan, mayroon na umanong 16 na aplikante at sa mga nagnanais pang makakuha ng karagdagang impormasyon, bisitahin lamang ang social media page ng DepEd Marikina.

(NEP CASTILLO)

50

Related posts

Leave a Comment