HINDI maaaring pilitin ng banko na isauli ng isang depositor ang perang na-withdraw na dahil sa kapabayaan mismo ng banko, ‘yan ang nilinaw ng Supreme Court.
Ibinasura ng SC 3rd Division ang petisyon ng BDO Unibank, Inc. dahil sila mismo ang hindi sumunod sa sarili nilang patakaran.
Nag-ugat ang kaso nang magdeposito si Cristina Barcellano ng P151,200 na regional check galing LandBank Albay sa kanyang BDO Lucena City savings account.
Nagkamali ang teller ng BDO at na-validate ito bilang “local check” imbes na “regional check”.
Dahil dito, na-credit agad ito sa loob ng 3 banking days imbes na 7 banking days.
Sa pag-aakalang clear na ang pera, nag-withdraw si Barcellano ng P76,000.
Pero ilang araw lang, nakatanggap ang BDO ng “stop payment order” para sa tseke at pinababalik kay Barcelona ang na-withdraw.
Pero sabi ng korte, hindi kasalanan ng depositor at walang panlilinlang, pandaraya, o pag-abuso sa ginawa ni Barcellano.
Ayon sa SC, kapabayaan ng BDO ang dahilan kung bakit napaaga ang pag-credit at pag-withdraw ng pera.
Kaya ayon sa SC, pananagutan ng banko ang sariling pagkakamali.
Hindi pwedeng i-charge sa customer ang epekto nito.
Paalala ng korte, responsibilidad ng banko na sundin ang tamang proseso. Kung sila ang nagkamali, sila ang sasagot.
(JOCELYN DOMENDEN/JULIET PACOT)
51 