SINUSPINDE ni Environment Secretary Roy Cimatu ang quarry operations sa Guinobatan, Albay makaraan ang pinsala na dulot ng Bagyong Rolly.
Sa press briefing, sinabi ni Cimatu na may apat katao ang namatay at tatlo ang nalibing sa rumagasang lahar mula sa Mayon Volcano.
Ani Cimatu, malakas ang agos ng tubig-baha na nagmula sa bulkan at bumagsak sa tatlong ilog kung saan nag-o-operate ang 11 quarry o tibagan.
“Some of these operators left their stockpiles in the middle of these rivers kaya no’ng bumaba ‘yung tubig, malakas, dala-dala ‘yung lahar, pati ‘yung stockpiles nila boulders ay kasama na,” ayon kay Cimatu.
Aniya pa, ang 11 operators ay binigyan ng permit ng provincial government.
Dahil dito, ipinag-utos niya ang suspensyon ng mga ito kabilang na ang quarry operation sa palibot ng Mayon.
Nauna rito, sinabi ni Senador Bong Go na nais ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na imbestigasyon ang quarrying operations matapos makatanggap ng reklamo mula sa mga residente.
Samantala, binisita naman ni Pangulong Duterte ang Albay isang araw matapos manalasa ang bagyong Rolly sa Bicol.
Nagsagawa rin ang punong ehekutibo ng aerial inspection sa Catanduanes, ang unang lalawigan na binayo ng bagyong Rolly. (CHRISTIAN DALE)
