QUEZON GOV. HELEN TAN, ‘DI TUMATANGGI SA HAMON PARA SA EDUKASYON

TARGET ni KA REX CAYANONG

TUNAY na mahalaga ang papel ng guro sa paghubog ng kinabukasan ng kabataan.

Sa ikalawang batch ng Teachers Convention 2025 sa Lucena City, muling pinatunayan ni Governor Doktora Helen Tan na hindi siya tumitigil sa pagsusulong ng mga programang magpapalakas sa sektor ng edukasyon sa Quezon.

Kaya sa temang “From Data to Impact: Advancing Literacy and Numeracy through Research,” naging sentro ng usapan ang konkretong hakbang para mapaunlad ang kakayahan ng mga bata sa pagbasa at pagbilang.

Hindi na lingid sa atin na malaking suliranin ang mataas na bilang ng mga batang hirap bumasa at umunawa ng kanilang binabasa.

Sa pamamagitan ng mga programang gaya ng Project Kid Bibo at Tara Basa, tinutugunan ito ng pamahalaang panlalawigan.

Hindi lamang pagbibigay ng tulong ang layunin, ayon kay Gov. Tan, kundi ang pagbubukas ng mas malawak na oportunidad para sa mga mag-aaral na maging handa sa mas mataas na antas ng pag-aaral.

Bukod sa edukasyon, ipinakita rin ni Governor Tan ang malasakit sa kalusugan ng mga guro sa pamamagitan ng Yakap Program ng PhilHealth, na magbibigay ng P20,000 halaga ng libreng gamot at konsultasyon.

Ito ay malinaw na mensahe na ang maayos na kalusugan ng guro ay kaakibat ng mas mahusay na pagtuturo.

Ang pakikiisa ni Sen. Rex Gatchalian sa pagtitipon ay dagdag na patunay na may pambansang suporta para sa ating mga guro.

Sinasabing ang pagtanggal sa taunang compliance ng 4P’s para sa kanila ay makababawas sa kanilang gawain, upang mas maituon ang oras at lakas sa pagtuturo at paggabay sa kabataan.

Sa kabila ng mga hamon, ipinakikita ng pagtutulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon at ng Department of Education na hindi imposibleng mapatatag ang kalidad ng edukasyon. Ang direksyon ay malinaw—mas mataas na antas ng literacy at numeracy para sa lahat ng batang Quezonian.

Kung ganito ang uri ng pamumuno at malasakit na patuloy nating makikita, maaasahan nating mas maraming batang Quezonian ang magiging handa, matalino, at may sapat na kasanayan upang harapin ang bukas. Sapagka’t tulad nga ng wika ni Gov. Helen Tan, “Hindi kami tumitigil para sa kagalingan ng ating sektor ng edukasyon.”

48

Related posts

Leave a Comment