PORMAL na ipinakilala at tinanggap ni MMDA Chairman Atty. Don Artes si dating PNP chief at bagong talagang MMDA General Manager Nicolas Torre III sa isang press conference sa MMDA head office sa Pasig City nitong Lunes, Enero 5, 2025. Nangako si Torre na dadalhin niya sa ahensya ang kanyang karanasan sa law enforcement sa pang-araw-araw na operasyon ng MMDA sa ilalim ng pamumuno ni Artes, kabilang ang pagpapatupad ng mas mabilis na emergency response na kahalintulad ng limang minutong response time na ipinatupad niya noong siya ay nasa PNP. (DANNY QUERUBIN)
NAGSAGAWA ng ocular inspection ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Quirino Grandstand sa Maynila ilang araw bago ang pagdiriwang ng Pista ng Hesus Nazareno sa Enero 9.
Pinangunahan ni MMDA General Manager Nicolas Torre III ang inspeksyon sa lugar kung saan isasagawa ang Pahalik sa Poong Nazareno, vigil, Misa Mayor, at iba pang aktibidad kaugnay ng pista.
Ayon sa MMDA, kabilang sa kanilang pagtutuunan ng pansin ang ayos ng pila ng mga deboto, paglalagay ng bakod o fence, pagtatayo ng medical tents, at iba pang kinakailangang paghahanda upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng lahat ng lalahok.
Sinabi ni Torre na handa na ang MMDA para sa pista, subalit posible pa umanong magkaroon ng ilang pagbabago matapos ang isasagawang final walk-through kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga volunteer.
Layunin aniya ng inspeksyon na maiwasan ang aberya at matiyak ang maayos, ligtas, at mapayapang pagdiriwang ng isa sa pinakamalaking relihiyosong aktibidad sa bansa.
(JOCELYN DOMENDEN)
28
