PUNA ni JOEL O. AMONGO
ISA na namang broadcaster ang walang-awang pinagbabaril sa kanyang mukha habang naka-live sa kanyang studio sa kanilang bahay sa Calamba, Misamis Occidental noong Linggo ng umaga, Nobyembre 5, 2023.
Ang radio announcer ay kinilalang si Juan Jumalon, o mas kilala bilang si “DJ Johnny Walker”, na binaril ng isa sa dalawang lalaking pumasok sa kanyang home-based studio.
Ayon sa pahayag ng local media sa nasabing lalawigan, nagpaalam umano ang mga suspek na pumasok sa both studio ni Jumalon dahil mayroon silang ihahayag on air.
Si Ginoong Jumalon (Johnny Walker) ay naka-live stream sa kanyang Facebook account dakong alas-5:30 ng umaga nang pumasok ang mga suspek at binaril ng isa sa mga ito.
Nakunan pa ng camera ang ginawang pagpapaputok ng baril ng suspek sa mukha ng biktima habang siya ay nagbo-broadcast.
Hindi pa nakuntento ang suspek, hinablot pa nito ang kwintas ng biktima pagkatapos niya itong barilin ng dalawang beses sa mukha.
Pagkatapos ng pamamaril kay Jumalon ay lumabas ang dalawang lalaking nakasumbrero na nakunan ng CCTV sa labas ng bahay kung saan ay may naabutan silang lalaki na pinadapa ng isa sa mga suspek.
Agad namang tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.
Agad dinala sa pinakamalapit na pagamutan si Jumalon subalit hindi na ito umabot nang buhay dahil sa matinding tama ng bala ng baril sa mukha at nakunan pa ng camera ang malakas na pag-agos ng dugo sa mukha at bibig nito.
Minsan nang nabansagan ang Pilipinas na ‘pinakadelikadong lugar sa buong mundo para sa hanay ng mga journalist.’
Sariwa pa sa ating mga alaala ang naganap na Maguindanao Massacre, pagpatay kay Percy Lapid at iba pa, tapos ito na naman, ang pagpatay kay Jumalon na pinasok pa mismo sa kanyang bahay ng mga kriminal.
Ang mga pangyayaring ito ay sumasalamin ba sa tunay na kalagayan ng peace and order sa ating bansa?
Sinasabing ang Pilipinas ay nasa ilalim ng demokratikong pamahalaan, pero bakit ang daming pinapatay na media practitioners?
Hindi pa man nabibigyan ng hustisya ang ilang mga insidente ng pagpatay sa ating kasamahang mga journalist, ay muli na naman itong nasundan.
Sa kabila ng mga pangyayaring ito ay hindi po tayo titigil sa pag-expose ng mga katiwalian lalo na ang kinasasangkutan ng mga tao sa gobyerno.
oOo
Para sa sumbong at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com
511