BISTADOR ni RUDY SIM
MULING nadawit ng pangalan ni Bureau of Immigration Deputy Commissioner Daniel Laogan kamakailan matapos inguso umano ng dalawang kawani ng BI sa NAIA Terminal 3 na sina Immigration officer Maria Zeah Inosanto at Immigration supervisor Karen Peñera, na hinuli ng mga kasamahan nito nang magpalusot ng dalawang dayuhan palabas ng bansa, na kasabwat umano si Laogan na agad naman nitong itinanggi at ikinagalit.
Sina Peñera at Inosanto ay agad na sinibak sa Terminal 3 at itinapon sa Admin Division habang gumugulong pa ang imbestigasyon sa kasong administratibo. Upang malaman kung may katotohanan ang pagkakadawit ni Laogan na umano’y naka-video call ni Peñera sa airport upang alalayan ang dalawang dayuhan, ay agad na humingi ng kopya ng CCTV si BI-NAIA Terminal 3 head Jose Dennis Javier ngunit walang nasapul ang camera hinggil sa pahayag ni Peñera na kasabwat si Laogan.
Kung mayroong mga bulok sa airport ay patunay lamang ito na mayroon pa ring mga kawani ng BI sa airport na may malasakit sa kanilang trabaho sa kabila nang pagbagsak ng koleksyon ng ahensya dahil sa kapabayaan ng kasalukuyang commissioner na si Joel Anthony Viado, kung kaya’t malaki ang nabawas sa augmentation pay ng mga empleyado kaya’t ang iba ay kapit-patalim sa paggawa ng ilegal na gawain.
Sa imbestigasyon patungkol sa insidente, nabatid na hindi umano pinadaan nina Peñera ang dalawang dayuhan sa immigration counter at sa likod dumaan na may tatak na ang kanilang passport hanggang sa pinalagan ito ng duty immigration officers na nagresulta ng pagkakasibak ng dalawa kahit nakiusap ang mga ito na huwag gawan ng incident report.
Wala nga bang kinalaman dito ang mataas na opisyal o sadyang hindi lamang nahuli? Kamusta na kaya, Sir, ang mga dayuhang Chinese na personal mong kinausap kamakailan sa warden facility sa Bicutan? Hindi ba’t may conflict of interest ang iyong pagpunta sa detention center lalo’t maaari mong magamit ang iyong kapangyarihan na maging pabor sa desisyon na may kinalaman sa kanilang kaso?
Kaugnay nito, gaano kaya katotoo na patuloy ang raket nitong mataas na opisyal na patuloy ang personal interes nitong pakikialam sa bail at deportation ng ilang POGO inmates na nasa Bicutan? Ayon sa natanggap nating impormasyon ay kasabwat umano ng mataas na opisyal ang isang taga legal division na si alias HOMEr along da riles? Aba’y talagang sinasamantala ng mga kumag ang pagkakakitaan.
Kamusta na kaya ang maganda at bata pang chikababes nitong si mataas na opisyal na itatago natin sa pangalang si Atty. Viagra?
Kaugnay pa rin nito, isang opisyal din umano ng legal division na naiintriga sa kanyang seksitaryang chikababes, ang top 3 na kumikita dahil sa kanyang fixing? Hmm… ayon sa ating importante mula sa isang liaison officer, kinausap umano nitong si Torne ang lahat ng travel agents na siya na ang may hawak ng mga visa application at sa kanya na lumapit? Eh ‘di wow! Kaya pala panay ang shopping at out of the country nila ng kanyang magandang bebot, ‘di ba, Sir?
Sa susunod ay atin naman ibibisto ang katiwalian ng isang babaeng opisyal ng BI na itatago natin sa pangalang “Madam Auring” na nag-overprice umano sa Barong uniform ng mga empleyado at sa pagbibigay nito ng pabor sa mga isinuka na sa airport ngunit kumikita pa rin sa main office… Abangan!
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
