INIHAYAG ni Business Tycoon Ramon Ang, Chief Executive Officer (CEO) ng San Miguel Corporation, na mistulang na “misquote” siya sa isang nailathalang komento na sinasabing ine-endorso niya si Senator Manny Pacquiao para sa pagkapangulo sa eleksyon 2022.
“May mga nagsabi sa akin na maraming nag-akala na ineendorso ko ang kandidatura ni Manny Pacquiao. Wala po akong ineendorsong kandidato,” ani Ang.
Sa isang online forum kamakailan, kasama ang mga mamamahayag, tinanong si Ang kung sino sa tingin niya ang mananalo sa pagkapangulo sa susunod na eleksyon.
Hindi ito nasagot ni Ang, ngunit may ibang tao na binanggit ang pangalan ni Pacquiao hanggang umabot ang usapan sa pagkapanalo nito.
Dahil dito, naisulat ng isang business columnist na “fearless forecast” ni Ang ang pagkapanalo ni Pacquiao. Kalaunan, naglabas ng pagtatama ang kolumnista dahil mali ang kanyang pagkakaintindi sa usapan.
“Sa tingin ko malaking bagay pa rin ang pipiliin ng presidente dahil sa mataas niyang trust rating. Kaya ang sitwasyon ay maaaring magbago depende sa decision nina Mayor Sara Duterte at Senator Bong Go, at sa kung sino ang ieendorse ni President Duterte,” dagdag pa ni Ang.
Batay sa presidential survey ng OCTA Research, nangunguna si Mayor Sara Duterte na may 22% na pinili siya upang maging susunod na presidente. Ngunit nasabi na ni Mayor Duterte na hindi siya tatakbo sa pagkapangulo sa darating na halalan. (JOEL O. AMONGO)
