IBINASURA ng Makati City Prosecutor’s Office ang inihaing reklamo ng Makati City Police laban sa 11 katao kaugnay sa kaso ng nasawing flight attendant na si Christine Angelica Dacera noong Enero ng kasalukuyag taon.
Sa inilabas na 19 pahinang resolusyon ni Hon. Makati Assistant City Prosecutor Joan Bolina-Santillan, nakasaad na ang reklamo ay ibinasura “for lack of probable cause”.
Abswelto sa reklamong rape with homicide ang mga akusadong sina John Pascual Dela Serna, Rommel Galido, John Paul Halili, Jezreel Rapinan (alyas “Clark Rapinan”), Gregorio Angelo Rafael De Guzman, Alain Chen (alyas “Valentin Rosales at “Val”), Mark Anthony Rosales, Reymar Englis, Louie Delima, Jamyr Cunanan at Eduardo Pangilinan III.
Sa medico legal report na ipinalabas ng PNP, tinukoy na natural cause ang dahilan ng pagkamatay ni Dacera o “ruptured aortic aneurysm” dahil sa mataas na blood pressure.
Ang 23-anyos na flight attendant na si Dacera ay nadiskubreng patay sa isang kwarto sa hotel sa Makati City matapos ang isinagawang New Year’s party kasama ang mga kaibigan.
Ikinatuwa naman ni Atty. Mike Santiago, abogado ng lima sa mga respondent, ang resolusyon ng Prosecutors’ Office dahil aniya ay totoong walang sapat na batayan upang isampa ang kaso sa korte at walang matibay na ebidensyang magdidiin sa kanyang mga kliyente sa naturang kaso. (DAVE MEDINA)
203
