NATUNTON ng mga tauhan ng PNP-Police Regional Office 5 sa inilunsad na law enforcement operation sa Brgy. Piot, Sorsogon City ang isang 21-anyos na suspek sa panggagahasa sa lalawigan ng Masbate.
Ayon sa ulat na ibinahagi ni PNP-PRO5 Regional Director P/Brig. Gen. Jonnel C. Estomo, bandang alas-1:30 noong Miyerkoles ng hapon nang mahuli sa manhunt operation sa Brgy. Piot, Sorsogon City ang suspek na si Johndel Samson, walang asawa, construction worker, at residente ng Sitio Kopo, Brgy. Centro sa bayan ng Uson sa lalawigan ng Masbate.
Sa datos na isinumite ng Masbate Police Provincial Office, sa pamumuno ni P/Col. Joriz Cantoria, Provincial Director, si Samson ay tinaguriang rank 2 municipal most wanted person ng naturang bayan.
Nabatid kay P/Major Malou Calubaquib, Police Regional 5 spokesperson, si Samson ay inaresto ng pinagsanib na mga tauhan ng Uson MPS at Sorsogon City Police Office sa bisa ng warrant of arrest na ibinaba noong ika-23 ng Abril 2021 at nilagdaan ni Hon. Judge Ave A. Zurbito Alba ng RTC Branch 48, Masbate City, para sa dalawang bilang ng panggagahasa o paglabag sa RA 8353 (Anti-Rape Law of 1997) sa ilalim ng criminal case nos. 21064 at 21067.
Ang inihaing warrant of arrest ay bunsod ng sumbong ng isang 16-anyos na biktima ng umano’y panghahalay ng suspek noong Marso 20, 2020 sa Uson, Masbate.
Walang inirekomendang piyansa para sa suspek na ngayon ay nakapiit na sa Uson MPS.
“Palaging mananaig ang pagtutulungan ng ating mga kapulisan sa buong rehiyon upang tugisin ang mga wanted na ito. Ngayon pa lamang sinasabi ko na sa inyo, walang magagawa ang pagtatago at pagtakbo ninyo sa batas kaya naman ‘wag na kayong magmatigas. Mas mainam kung kayo na mismo ang magsusuplong sa inyong mga sarili sa himpilan ng PNP Bicol upang pagbayaran ang inyong pagkakasala”, ayon kay RD Estomo. (JESSE KABEL)
156 