ALBAY – Hindi nakapalag ang isang 40-anyos na construction worker nang arestuhin ng mga operatiba ng PNP-PRO5 na pinamumunuan ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, sa bayan ng Libon sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat na isinumite sa tanggapan ni P/BGen. Estomo, kinilala lamang ang suspek sa alyas na Kaloy.
Inihayag ni P/Maj. Malu Calubaquib, tagapagsalita ng PNP-PRO5, dakong alas-11:00 ng umaga noong Biyernes nang madakip ang suspek sa Zone 4, Brgy. Centro-Poblacion, Libon,
Ang suspek ay nahaharap sa kasong 10 counts ng rape at itinuturing na number 1 municipal level most wanted person ng Tiwi MPS.
Ang pagkakahuli sa suspek ay bunsod ng sumbong ng isang 13-anyos na dalagita na sampung beses umanong ginahasa simula noong Disyembre 2019.
Ayon sa dalagita, tuwing sasapit ang gabi ay tahasang pumapasok ang suspek sa kanyang silid upang siya ay halayin.
Hindi agad nakapagsumbong sa kanyang mga magulang ang biktima dahil sa takot sa banta ng suspek na siya ay papatayin.
Hanggang sa hindi na nakayanan ng biktima ang pang-aabuso kaya minabuting ipagtapat sa kanyang pinsan ang nangyayari na agad namang ipinarating sa ina ng dalagita.
Agad namang humingi ng tulong ang ginang sa mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
