DUMATING na sa Las Pinas City ang 1,000 pirasong rapid test kits na gagamitin para unahing i-test ang suspected cases ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lungsod.
Nais ni Mayor Mel Aguilar na unahin ang suspected patients na nasa komunidad para agad silang ma-isolate sa itinakdang isolation facility sa Las Pinas Rehabilitation Center na may 300 beds.
Ayon pa sa alkalde, isusunod nitong ipasuri ang mga health worker at frontliners upang matiyak ang kanilang kalusugan.
TEST KITS. Ipinakikita ni Rural Health Physician Dr. Julio Javier kasama si Las Piñas City Mayor Imelda Aguilar ang mga COVID-19 rapid test kits para sa mga healthcare Worker, frontliners at suspected COVID-19 cases na dumating sa nasabing lungsod.
“Akin pong idino-donate ang one-year salary ko bilang ayuda sa pagtugon sa COVID-19 outbreak sa lungsod,” ani Mayor Aguilar.
Nabatid na kabilang sa donasyong suweldo ng alkalde ang pagbili ng Rapid Test Kits at hinihintay na rin ang karagdagang binili ng lokal na pamahalaan na test kits lalo na pahirapan ang pagkuha/pag-order nito sa ngayon dahil sa krisis.
Binigyang diin pa ni Mayor Aguilar na bababa ang lokal na pamahalaan katuwang ang mga health worker ng City Health Office upang direktang puntahan ang mga suspect cases para i-test lalo na hindi sila maaaring lumabas ng bahay dahil sa umiiral na mas mahigpit na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Samantala, sinabi naman ni ni City Health Office Dr. Julio Javier na agad nilang sisimulan ang Rapid Testing sa oras na matanggap nila ang guidelines ng Department of Health na aprubado ng Inter Agency Task Force (IATF). JHAY JALBUNA
222 
