LABINLIMANG taon na ang nakalipas mula nang huling nagsulat ang inyong lingkod sa dyaryong ito. Bagito pa at nangangapa pa ang lingkod ninyo noon.
Ngayong 2022, sa pagbabalik ng Rapido Ni Patrick Tulfo sa Saksi, asahan n’yo ang mas malakas, mas matibay at mas malawak na public service. Asahan din ang mga makabuluhang komentaryo at napapanahon na opinyon sa mga isyung nakakaapekto sa bansa natin. Magiging daan ang pitak na ito para kalampagin ang mga tiwali at itulay ang mga nangangailangan ng tulong sa mga ahensya ng gobyerno.
Isa sa mga hindi malilimutan na reklamo na aming nahawakan ay may kinalaman sa illegal recruitment na kinasasangkutan ng isang arkitekto na nagtapos sa isang prestihiyosong unibersidad.
Niloko ng arkitekto ang dalawang nurse na pinangakuan ng trabaho sa Singapore at may suweldo na P120K kada buwan.
Nakuhaan ni architect ng mahigit na P300K ang dalawang biktima bago nagpunta ang mga ito sa aming tanggapan. Agad naman naming inimbestigahan ang reklamo at nalaman na hindi konektado ang suspek sa ahensiya na ‘di-umano ay mag-aayos ng trabaho ng mga kawawang nurse.
Inamin ng ahensiya na sila nga ang nagproseso ng travel documents ng mga biktima pero wala silang alam sa sinasabi ng suspek dahil hindi nga konektado ito sa kanilang opisina. Kilala raw nila si architect dahil madalas itong magdala ng kliyente for travel purposes dahil sila raw ay travel agency rin.
Tinawagan namin si architect at nagkaroon ng paghaharap sa aming opisina kung saan napaamin namin ang ginawa nitong panloloko sa mga biktima at nangako na ibabalik na lang niya ang pera.
Hindi nakatupad si architect sa napagkasunduang palugit na ibabalik niya ang pera at nagmakaawa sa amin na tulungan siyang makiusap sa mga biktima na amin namang ginawa.
Pero sa bandang huli hindi rin nito natupad ang kanyang pangako sa mga biktima na desidido nang magsampa ng kaso laban sa kanya.
Nauwi sa trahedya ang usaping ito dahil nang bumalik sa aming opisina ang mga complainant, ibinalita ng mga ito na nagpatiwakal na raw ang suspek na kanilang nakumpirma dahil nagpunta sila sa lamay nito.
Kung kayo ay may reklamo, maaari niyong ipadala ang inyong mensahe sa rapidonitulfo1530@gmail.com o sa aming Faceboook page na Rapido ni Patrick Tulfo. Mapapakinggan ang aking programang Rapido Ni Patrick Tulfo sa istasyong DZME 1530khz mula Lunes hanggang Biyernes (10-11:30am) at napapanood din kami sa pamamagitan ng aming FB page at YouTube channel na Patricktulfoofficial salamat.
