(NI JOSEPH BONIFACIO)
SUMAILALIM si Kiefer Ravena sa random drug testing ngayong Biyernes, bago ang pagsisimula ng kanilang kampanya sa 2019 FIBA World Cup sa Foshan, China.
Ayon sa mga ulat, isa si Ravena sa dalawang Gilas Pilipinas players kasama si June Mar Fajardo na sumailalim sa mandatory random drug testing ng International Basketball Federation (FIBA).
Kinumpirma ni Ravena ang balita at sinabing inaasahan na niyang mangyayari ito.
Gayunpaman, kumpiyansa si Ravena na walang makikitang anumang bahid ng PEDs sa kanyang ihi.
“I somewhat expected it. Of course you know, I’m just fresh from what just had happened,” lahad ni Ravena sa mga panayam ng mamahayag na nasa China.
Dagdag niya: “Sigurado ako. Sure na sure yan. I think once the results come, it’s something that can close one chapter of my career. So that’s one thing that I’m really looking forward to once this finishes, ‘di ba.”
Matatandaang noong nakaraang taon ay sumailalim si Ravena sa random drug testing ng FIBA bago ang laban ng Gilas vs Japan sa 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers, kung saan nagpositibo ang 25-anyos na player sa tatlong ingredients na nasa listahan ng mga ipinagbabawal na substances ng World Anti-Doping Agency (WADA).
Inamin ni Ravena ang pagkakamali matapos ngang uminom ng pre-workout drink na ‘DUST’ na naglalaman ng mga naturang ingredients at tinanggap ang ipinataw na 18-month suspension ng FIBA.
Nagtapos na ang kanyang ban noong Agosto 24 na nagbalik sa kanya sa Gilas Pilipinas bilang bahagi ng 12-man line up para World Cup na nakatakda mula Agosto 31 hanggang Setyembre 15.
