HINDI ako abogado, ngunit labis akong naniniwala na ang paglulunsad ng rebolusyon sa hudikatura ng ating bansa ay pinakawastong aksyon na nararapat at obligadong isulong hindi lamang ng mga abogado, kundi ng mamamayang Filipino.
Naisip ko ito dahil sa matagal nang nangyayari sa sistema ng hudikatura ng ating bansa mula sa mababang organo nito hanggang sa Office of the Ombudsman hanggang sa Sandiganbayan hanggang sa Court of Appeals (CA) hanggang sa Korte Suprema ay napakabagal umusad ng mga kasong naririto.
Dalawa sa ihahalimbawa ko na sobrang tagal na mga kaso na mismong nakasalang sa Korte Suprema ay ang mahigit apat na taong protestang elektoral ni dating Senador Ferdinand Marcos II laban kay Bise Presidente Maria Leonor Robredo at ang binanggit ng pangulo ng Federation of Free Workers (FFW) at tagapangulo ng NAGKAISA Labor Coalition na si Atty. Jose Sonny Matula na mayroon siyang mga kaso na lima hanggang 15-taong ‘nakapahinga’ sa nasabing pinakamataas na korte ng bansa.
Pinakamataas na korte na ang tinutukoy ng mga kaso nina Marcos at Matula.
Iba pa ang mga kasong nakasampa ngayon sa CA, Sandiganbayan, Office of the Ombudsman hanggang sa pinakamababang korte.
Hindi ko na kailangang ilatag dito sa Badilla Ngayon kung ilan ang eksaktong bilang ng mga kasong napakabagal ng usad mula sa Metropolitan Trial Court (MTC) at Regional Trial Court (RTC) hanggang Korte Suprema upang patunayang totoong napakabagal ng buong hudikatura sa bansa.
Kayo na ang magsalita dahil kayo naman ang mga buhay na testigo sa kapalpakang ito.
Hindi lang reporma ang solusyon dito.
Kahit na magandang reporma tulad ng pagtataas sa sahod at mga benepisyo ng lahat ng nagtatrabaho sa hudikatura ay hindi na uubra.
Ilang ulit na itong naganap sa mga nakalipas na taon, ngunit napakabagal pa rin ng operasyon ng hudikatura.
Kahit palitan at ipromowt pa ang mga hukom at mahistrado, mananatili pa rin ang kabagalan ng paggalaw ng mga organo sa hudikatura.
Ihalimbawa ko ulit ang Korte Suprema.
Ilang ulit nang napalitan ang punong mahistrado nito at marami na ring nagretirong mahistrado rito at napalitan na rin sila, subalit dinaig nito ang daloy ng tubig sa Pasig River.
Kahit sobrang itim at sobrang dumi ng tubig sa Pasig River, ito ay gumagalaw nang mabagal at ang kabagalang ito ay resulta ng mga hindi natatanggal na bara rito.
Sa pinakamataas na korte ay gumagalaw rin naman, ngunit depende ito sa punong mahistrado at mga mahistrado kung kailan gagalawin ang mga kaso.
Napakadilim ng galaw dahil batay sa simbolo ng paglalakbay ng katarungan ay nakapiring ang babaeng mayroong hawak na sandata.
Kung napakadilim ng dinaraanan ng pagkakamit ng katarungan, o hustisya, ang solusyon ay rebolusyon upang bumilis ang pagkilos at paggamit ng sandata ng babaeng nakapiring tungo sa pagkakamit ng katarungan ng lahat ng sangkot sa mga kaso, kabilang na ang mga akusadong kriminal.
Ang totoo, ang rebolusyon ang siyang pinaka wastong solusyon upang totoong mabago ang hudikatura.
Hindi madugo ang rebolusyong binabanggit ko, sapagkat naniniwala akong hindi armadong pakikibaka, o ang paggamit ng dahas, ang absolutong kahulugan ng rebolusyon.
Hindi lahat ng rebolusyon ay nagsisimula sa barilan.
Mayroong rebolusyong isinasagawa sa pamamagitan ng aksyong mapagpasya, tapat, tuluy-tuloy upang palitan ang umiiral na bulok na kalakaran, praktis at sistema sa lahat ng aspeto ng hudikatura.
Bagamat mayroong konsepto at itsura ng pagsasagawa nito, hindi tigil at lalong hindi “fixed formula” ang rebolusyon.
Nakabatay pa rin ‘yan sa aktuwal na kalagayan ng bawat korte at sa bawat yunit ng korte.
Halimbawa, kung ang suliranin sa isang sangay ng korte ay tuwing ikatlong buwan ang pag-iiskedyul ng kasong lilitisin ang problema, natural ito ang babaguhin.
Kung palpak na mga kawani ang nakababara sa operasyon ng sangay ng korte, aksyonan ito.
Kung ang suliranin naman ay ang korap na judge at justice, ito ang puntiryahin ng rebolusyon.
Kung ang suliranin ng hudikatura ay ang Korte Suprema, natural lamang na isulong ang rebolusyon hanggang dito.
Higit na kailangan ang rebolusyon sa pinakamataas na korte ng ating bansa, sapagkat ito ang punong organo ng hudikatura.
Ito ang timon sa napakadilim na dinadaanan ng nakapiring na babaeng mayroong hawak na sandata sa paghahanap ng tama at eksaktong desisyon sa bawat kasong nakararating sa mga korte ng hudikatura hanggang sa pinakamataas na korte nito.
Kung palpak at inutil ang mahistrado, walang ibang gagawin ang rebolusyong nagaganap kundi tanggalin sa Korte Suprema ang naturang mahistrado.
214
