ISANG makabagong paraan ng paglilinis sa mga katubigan ang ipinamalas sa Iyam River sa Lucena City, gamit ang isang improvised na garbage-collecting robot na gawa sa recycled materials.
Ang nasabing gadget ay binuo gamit ang mga lumang plastic container, aluminum metal, at galvanized wire mesh.
Nilagyan din ito ng garbage lifter upang madaling makatipon at makaipon ng mga nakalutang na kalat sa tubig.
Pinatatakbo at kinokontrol ang robot sa pamamagitan ng isang remote control na katulad ng ginagamit sa mga computer game at sa maliit na makinang ikinabit dito.
Ayon kay Isagani Inciong, isang electronic technician at imbentor ng naturang aparato, naisipan niya ang proyektong ito upang makatulong sa pagbabawas ng mga nakalutang na basura sa mga ilog, lalo na ang mga plastic waste.
Sa ginawang pagsubok sa Iyam River, napatunayang epektibo ang robot sa pagtipon at pagkuha sa mga basurang palutang-lutang.
Dagdag pa ni Inciong, bukod sa nakalilibang ang pagkontrol dito, malaki rin ang maitutulong nito sa kalikasan.
Naniniwala siyang kung marami ang gagamit o “maglalaro” ng ganitong uri ng robot, mas malaking volume ng basura ang masasagip mula sa mga daluyan ng tubig.
Nanawagan din siya sa mga Lokal na Pamahalaan (LGU) na bigyang-pansin ang ganitong inobasyon.
Handa rin siyang makipagtulungan sa mga awtoridad upang higit pang mapaganda ang disenyo at makagawa ng mas malaking version ng robot para sa mas malawak na rehabilitasyon ng mga ilog.
(NILOU DEL CARMEN)
73 