NANAWAGAN si Senate Committee on Energy Chairman Erwin Tulfo na amyendahan ang umiiral na Oil Deregulation Law upang obligahin ang mga kompanya ng langis na maging mas transparent sa kanilang pagpepresyo.
Ginawa ni Tulfo ang panawagan sa gitna ng mataas na presyo ng langis at mga bilihin na patuloy na nakaaapekto sa inflation.
“Sasabihin na lang ng mga kumpanya ng langis na ‘bukas, magtataas kami ng presyo nang limang piso bawat litro,’ at wala na tayong magagawa kundi magbayad,” pahayag ni Tulfo.
Ayon sa senador, kailangang palakasin ang kapangyarihan ng Department of Energy (DOE) upang mapanagot ang mga oil company sa kanilang price adjustments.
“Ang gagawin natin ay palalakasin natin ang kapangyarihan ng Department of Energy (DOE) sa mga kumpanyang ito. Wala nang biglaang pagtaas ng presyo—kailangan na nilang ipaliwanag kung bakit sila nagtataas ng presyo sa ganoong paraan,” dagdag niya.
Binigyang-diin ng chairman ng Senate Energy Panel na matagal nang hinihiling ng transport sector ang mas malinaw na paliwanag sa mga pagtaas ng presyo ng krudo.
“Talagang umiiyak sila na parang walang habas yung pagtataas ng presyo ng krudo. Di naman ma-eksplika nang maayos bakit ganoon,” ani Tulfo.
Iginiit din ni Tulfo na naging pabigat sa mga Pilipino ang kasalukuyang bersyon ng Oil Deregulation Law, na inihambing niya sa naging epekto ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
“Dahil sa mga lumang batas na ito, ang mga system loss ay ipinapasa sa mga mamimili. Alam na alam ng mga kumpanya ng kuryente na kailangan nilang i-upgrade ang kanilang sistema, ngunit pinabayaan lang nila itong masira dahil madali lang naman nilang maipapasa ang singil ng system loss sa publiko,” giit ng senador.
Ipinaglaban ni Tulfo na kahit maliit lamang ang maaaring maitapyas ng mga reporma sa presyo ng mga bilihin, malaking bagay pa rin ang bawat pisong matitipid para sa mga pamilyang Pilipino na patuloy na naiipit ng inflation.
“Ang mahalaga rito ay ang prinsipyo. Hindi pwede na nakatunganga lang tayo at hahayaang ang mga ordinaryong Pilipino ang magbayad sa mga serbisyong hindi naman nila pakikinabangan, o magbayad ng petrolyo nang hindi naiintindihan kung paano ito binuo,” pahayag niya.
90 