ISINUSULONG ni Senador Jinggoy Estrada ng panukala na naglalayong tuldukan ang pagsasagawa ng red-tagging na kadalasan anyang nagiging sanhi ng harassment, paglabag sa karapatang pantao at dahilan sa pagpaslang ng mga aktibista, mamamahayag, community leaders at ordinaryong mamamayan.
Sa kanyang Senate Bill 1071, o ang “Anti-Red-Tagging Act,” nais ni Estrada na ideklara ang red-tagging na krimen na mayroong kaakibat na parusa.
Nais ng panukala na kilalanin at ipaloob sa batas ang red-tagging upang mabigyan ng proteksyon ang mamamayan kontra sa hindi makatarungang pananakot, panggigipit, o pag-uusig.
Ang red-tagging, ayon sa SBN 1071, ay ang hayagang pagbansag o pag-akusa sa mga indibidwal o grupo bilang mga komunista, terorista, o kalaban ng Estado — na kadalasan ay walang sapat na ebidensya.
Maituturing na red-tagging ang paglalabas ng pahayag sa publiko, social media posts, tarpaulin, karatula, deklarasyon, public events, at iba pang platapormang ginagamit upang i-label o siraan ang isang tao o grupo bilang kalaban ng Estado.
Nais ni Estrada sa kanyang itinutulak na bill ang pagpapataw ng 10 taong pagkakakulong at habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyong pampubliko bliang parusa sa sinumang mapapatunayang lumabag sa batas.
(Dang Samson-Garcia)
36
