NAKATAKDANG isagawa ang “Register Anywhere” drive mula Disyembre 17 hanggang Enero 25, 2023 sa limang malls na tinukoy ng Commission on Elections (Comelec) para sa pagpaparehistro ng mga bagong botante.
Ayon kay Comelec Spokesperson, Atty. Rex Laudiangco, kabilang ang Mall of Asia, SM Fairview, SM Southmall, Robinsons Galleria, at Robinsons Place sa mga lugar na maaaring magparehistro.
Paliwanag ni Laudiangco, sakaling hindi nakatira sa Metro Manila ngunit nagkataong narito ang botante ay maaaring pumunta sa mga registration venue o sa Register Anywhere booth.
Aniya, ang thumbprints at iba pang biometrics ay gagawin sa booth saka ipadadala ng Comelec sa munisipalidad ng botante.
“Napakaganda po kasi nito para sa ating mga mag-aaral, nagtatrabaho sa Metro Manila, na walang pagkakataong umuwi sa kanilang mga probinsya,” saad ni Laudiangco sa isang televised briefing.
Dagdag pa nito, bukas din ang Register Anywhere booth sa mga paalis na OFW at mga seaman para sila ay makapagparehistro .
Samantala, sinabi nito na ang mga nais magpa-reactivate ng kanilang voter’s ID ay hindi na kailangang bumisita sa mga opisina ng Comelec
Ayon pa kay Laudiangco, maaaring i-download ang form sa Comelec website at ipadala sa Comelec election officer.
Ang mga alalahanin tungkol sa talaan ng pagpaparehistro ng botante ay maaaring ipadala sa registrationstatus@comelec.gov.ph.
(RENE CRISOSTOMO)
269 