Reklamo laban sa Suarez dynasty sa Quezon TUPAD NG DOLE ‘WAG PULITIKAHIN

MINSAN pa umanong napatunayan na ang programang Tulong Pangkabuhayan sa Ating Displaced Workers (TUPAD) ay ginagamit ng ilang malalaking politiko sa kanilang pamumulitika tulad sa lalawigan ng Quezon.

Ang pamilya ni Governor Danilo Suarez, lider ng makapangyarihang “Suarez Dynasty” sa nasabing lalawigan ay malaon nang inaakusahan ng pagsasamantala sa programa ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Si Suarez, ang kanyang maybahay na si Quezon 3rd District Rep. Aleta Suarez, anak na si Quezon 2nd District Rep. David “Jayjay” Suarez, manugang na si ALONA Party-list Rep. Ana Marie Villaraza- Suarez at anak na si Provincial Board Member Donaldo Suarez ay pawang tumatakbo para sa kanilang reelection samantalang ang isa pang anak na si Danilo Suarez Jr. ay kumakandidatong mayor sa Unisan, Quezon na kanilang home town.

Ayon sa mga nag-aakusa, hindi nakikita sa Quezon ang tunay na esensya ng programa dahil napakaraming tao na kasama rito ang hindi kabilang sa sinasabing “displaced workers” bunga ng pandemic. Karamihan umano sa mga ito ay kaanak at kaibigan ng coordinators at barangay captains na kaalyado ng pamilya Suarez.

At sa halip na isagawa sa mga bayan-bayan ang payout sa TUPAD workers, ang mga ito anila ay iniipon sa Quezon Convention Center sa Lucena City at iba pa nilang convention centers at sports complex, at ginagastusan ng pamahalaang panlalawigan, umpisa sa libreng pagsundo sa kanila, pagpapakain mula umaga hanggang hapon at paghahatid pabalik.

At sa loob ng venue, ang libo- libong TUPAD workers ay obligadong makinig sa mga pagsasalita at pagtatalumpati ng lahat na mga kandidato ng Suarez Dynasty bago isagawa ang actual na payout.

At sa pinakahuling payout na isinagawa  ng mga Suarez noong Miyerkoles Santo na dinaluhan ng mahigit 4,000 TUPAD workers, tahasan umanong namulitika ang gobernador.
Makikita sa isang video footage na sa pamamagitan ng isang higanteng screen ay idinetalye ng gobernador ang naganap na tangkang pagpatay sa kanyang political ally na si Infanta, Mayor Grace America noong Feb. 27 gayundin ang mahigit dalawang toneladang shabu na nahuli sa nasabing bayan makalipas ang isang linggo na ayon sa kanya ay gagamitin sanang campaign fund kung sakaling naging pera.

Sa kanyang pagsasalita, hindi direktang ibinintang ng gobernador sa kanyang katunggali ang responsibilidad sa dalawang krimen subalit iyon umano ang ipinakikita ng body language nito.
Ayon sa mga nakasaksi, malinaw anilang ginagamit ng pamilya Suarez sa pamumulitika ang TUPAD gayundin ang iba pang mga programa ng pamahalaang nasyonal tulad ng Assistance to Individuals In Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“Bakit naman kailangan muna kaming makinig sa mga talumpati at pangangampanya ng mga kandidato bago maibigay sa amin ang aming mga sahod na amin namang pinagtrabahuhan”. At bakit kailangan pang siraan muna sa aming harapan ang mga kalaban nilang kandidato,” hinaing ng isang TUPAD worker.

Ganito rin umano ang ginagawa ng mga Suarez sa kanilang mga pagpapatawag sa libo- libong public school teachers na kanilang binigyan ng cash incentive ganoon din ang libo-libong kasapi ng iba’t ibang sektor tulad ng Barangay Health Workers na ang pondong ipinamimigay ay galing sa kaban ng lalawigan.

Matatandaan na kamakailan ay sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello na kanyang pinaiimbestigahan ang umano’y paggamit ng ilang politiko sa TUPAD program sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nanawagan din siya sa mga benepisyaryo ng programa na maging vigilante laban sa mga opisyales ng gobyerno at mga kawani nila na gumagamit sa programa para sa pamumulitika.

251

Related posts

Leave a Comment