PAIIMBESTIGAHAN ng Digital Pinoys ang reklamong “fare-bidding” at pamimili ng byahe ng transport network vehicle service (TNVS) na Indrive, matapos dagsain ng reklamo mula sa commuters na hindi raw tinatanggap ang booking hangga’t di paulit-ulit na tinaasan ang alok na pamasahe.
Sa QC Journalists Forum nitong Martes, sinabi ni Digital Pinoys national campaigner Ronald Gustilo na sa kuwento ng mga pasahero, hindi pumapayag ang driver sa unang alok, kahit fair o tama ang presyo. Kailangan daw magdagdag at mag-overbid bago ka mapick-up.
“Ipinakilala raw na alternatibo sa surge pricing, pero lumalabas na fare bidding ay nagiging de facto surge environment,” ani Gustilo.
Kung sa surge, app ang nag-a-adjust. Dito, commuter daw ang pumapasan ng pressure na magtaas ng pamasahe, saad pa ng grupo.
Lalo umanong ginipit ang mga senior citizen, buntis, estudyante, at mga pasaherong hapit ang budget lalo ngayong holiday rush.
Nanawagan ang Digital Pinoys sa LTFRB na silipin ang mekanismo ng fare bidding at tingnan kung hindi nito isinasa-panganib ang proteksyon ng consumer.
Nagpasa na rin ang grupo ng pormal na liham sa LTFRB para hilinging repasuhin ang fare-bidding at selective trip acceptance ng nasabing TNVS platform.
(PAOLO SANTOS)
119
