NAGLABAS na ng freeze order ang Court of Appeals laban sa bank accounts, ari-arian at mismong mga aircraft na konektado sa maanomalyang flood control projects na iniimbestigahan ng gobyerno.
Ito ang ibinunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang podcast nitong Martes, Disyembre 9. Sakop ng freeze order ang Silverwolves Construction Corporation at Sky Yard Aviation Corporation, pati na rin ang personal assets ng mga sangkot — kabilang sina Benguet Rep. Eric Yap at ACT-CIS Rep. Edvic Yap.
Ayon sa Pangulo, mahigit ₱16 bilyon ang pumasok sa transaksyon ng Silverwolves mula 2022 hanggang 2025, karamihan ay galing sa DPWH flood control projects.
Kasabay nito, ibinunyag niyang 280 bank accounts na ang na-freeze, kasama rin ang 22 insurance policies, 3 securities accounts, at 8 aircraft tulad ng eroplano at helicopter na naka-link sa Sky Yard Aviation.
“Kailangan ang freeze order para hindi maibenta ang mga ari-arian at maibalik sa taumbayan ang bawat pisong ninakaw,” ayon sa Pangulo.
Samantala, walo umanong tauhan ng DPWH sa Davao Occidental ang nagpadala ng sulat na susuko sila sa NBI.
Kasunod naman ng ulat na lalabas ngayong linggo ang warrant of arrest laban kay Sarah Discaya, nagtungo ito kahapon sa NBI at isinuko ang sarili.
(CHRISTIAN DALE/JULIET PACOT)
140
