REKOMENDASYON NG NBI WA EPEK SA IMPEACHMENT

PINAWI ni Senate President Francis Chiz Escudero ang pangamba na makaapekto sa nakatakdang impeachment trial ng Senado ang rekomendasyon ng National Bureau of Investigation na kasuhan si Vice President Sara Duterte dahil sa pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, at ni First Lady Liza Marcos.

Sinabi ni Escudero na maaari ring sumabay sa impeachment trial ang pagdinig sa reklamo ng NBI laban sa Bise Presidente nang hindi maaapektuhan ang proceedings ng Impeachment court.

“No. walang epekto iyon sa napipintong impeachment proceedings — walang bearing iyon at walang kinalaman iyan doon. Sa katunayan, pwedeng magpatuloy iyon nang sabay, pwedeng mauna, pwedeng sumunod. Wala siyang bearing sa impeachment proceedings na isasagawa ng Senado,” pahayag ni Escudero.

Ipinaliwanag ng Senate leader na ang impeachment court ay katulad ng ibang korte ay passive body na maghihintay ng mga testimonya at ebidensyang isusumite sa kanila.

Hindi anya ito katulad ng trabaho ng Senado na nangangalap ng mga dokumento at mga ebidensya.

Kahapon ay inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kay Duterte.

Kaugnay ito sa naging pahayag nito noon na umupa na siya ng tao para patayin ang mag-asawang Marcos at si House Speaker Martin Romualdez kapag namatay siya.

Mabigat na kaso ito, ayon kay NBI Director Jaime Santiago, kaya naman hihimayin nilang maigi ang inciting to sedition and grave threat na kaso laban sa Bise.

Hindi naman ikinagulat sa Mababang Kapulungan ang rekomendasyon ng NBI na kasuhan si Duterte.

“Expected po talaga ‘yun kasi hindi ko nga po alam kung paano nila ide-deny ‘yun kasi kitang-kita po naka-live, mayroon pong video. So kitang-kita po na may pagtatangka sa buhay ng ating Pangulo by the Vice President,” ani La Union Rep. Paolo Ortega.

Nagsagawa ng sariling imbestigasyon ang NBI sa pagbabanta ni Duterte habang nakakulong ang kanyang chief of staff na si Atty. Zuleika Lopez sa detention cell ng Kamara matapos itong ma-contempt dahil sa tangkang pagharang umano nito sa Commission on Audit (COA) na ilabas ang mga dokumento na may kaugnayan kung papaano ginastos ng Bise Presidente ang kanyang confidential funds, hindi lamang sa Office of the Vice President (OVP) kundi maging sa Department of Education (DepEd).

Ang pagbabanta na ito ay kabilang sa 7 article of impeachment na isinampa ng Kamara laban kay Duterte.

“This is a positive development, especially in relation to the impeachment case filed against the Vice President. So, it would really strengthen our position that indeed the Vice President committed criminal acts such as grave threats and inciting to sedition, which the National Bureau of Investigation has found out that there is indeed sufficient evidence against the Vice President,” ayon naman kay House assistant majority leader Jill Bongalon na kabilang sa 11 House Prosecutors sa Impeachment trial. (DANG SAMSON-GARCIA/JULIET PACOT/PRIMITIVO MAKILING)

8

Related posts

Leave a Comment