DPA ni BERNARD TAGUINOD
MUKHANG dapat nang seryosohin na ilipat ang mga tanggapan ng gobyerno sa labas ng Metro Manila dahil palala nang palala ang problema sa baha, trapiko, polusyon at overcrowded na ang metropolis.
Noong weekend, muli nating nasaksihan ang matinding pagbaha sa Metro Manila dahil sa walang tigil na ulan kaya hindi nakatawid ang mga motorista sa northbound ng EDSA partikular na sa bahagi ng Camp Aguinaldo.
Akala natin ang Espanya lang sa Lungsod ng Maynila ang may matinding problema kapag umuulan, pero parami nang paraming mga lugar na ang binabaha at sa isang video sa social media nga, hanggang leeg ang baha sa bahagi ng Project 2, Quezon City.
Hindi pa ‘yan matinding ulan, paano na lamang kung talagang malakas ang ulan? Baka buong Metro Manila ang malulubog sa baha kaya dapat na sigurong seryosohin ang paglilipat ng mga tanggapan ng gobyerno sa Clark City sa Pampanga.
Noong November 2021, inilabas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order (EO) No. 119 na nag-aatas sa lahat ng mga departamento, bureaus at offices na nasa ilalim ng executive department, na magtayo ng kanilang tanggapan sa National Government Agency Center (NGAC) sa Clark City.
May lawak na 9,450 ektarya ang Clark City at 220 ektarya dito ay nakalaan sa NGAC at ilalagay na lang sa iisang lugar ang mga ahensya ng gobyerno para kapag may inasikasong papeles, hindi na pupunta ang mga tao sa magkakahiwalay ng mga lugar.
Layon daw nito na i-decongest ang Metro Manila dahil sa totoo lang, ang isa sa mga nagpapalala sa problema sa trapiko sa metropolis ay ang gobyerno na rin mismo. Kung mapapansin niyo, walang trapik kung walang pasok sa gobyerno.
Sabi ng mga eksperto, lalong tumataas ang sea level dahil sa climate change at pagkalusaw ng mga bundok ng yelo sa North Pole at Antarctica kaya halos lahat na yata ng malalaking lungsod sa mundo ay bumabaha kapag umuulan, tulad ng Hongkong na kamakailan lang ay nalubog sa baha na hindi nila naranasan sa nakaraang ilang dekada.
Hindi tayo exempted sa pagbaha kahit pa ginagastusan ng P1 billion kada araw ang problemang ito, kaya ang solusyon siguro ay ilabas na sa Metro Manila ang government centers at ang iwan lang dito ay ang Palasyo ng Malacañang.
Sa Indonesia, sinisimulan na ang unti-unti pag-relocate sa kanilang capital mula Jakarta patungong Nusantara dahil sa problema sa overpopulation, pollution at paglubog ng malaking bahagi ng Jakarta.
Sinisimulan na ang konstruksyon sa tinatawag nilang Green City at sa taong 2045 ay aalis na sa Jakarta ang lahat ng mga ahensya ng kanilang gobyerno kaya dapat na rin sigurong seryosohin natin ang pagre-relocate sa Clark City.
Hindi naman siguro magiging ghost town ang Metro Manila dahil maaari itong gawing shopping hub na lamang at baka maresolba ang lahat ng mga problemang kinahaharap natin ngayon.
