REP. GUICO BINANATAN SI BG LAMBINO

INANUNSIYO kamakailan nina Representative Ramon Guico III at Bise – Gobernador Mark Lambino na tatakbo silang gobernador at bise – gobernador ng Pangasinan.

Tinawag na AGUILA ang kanilang tambalan na ang kahulugan ay “Alyansa nina Guico at Lambino”.
Pokaragat na ‘yan!

Si Guico ay ang kinatawan ng ikalimang distrito ng Pangasinan, samantalang kasalukuyang bise-gobernador naman si Lambino.

Nang ianunsiyo ng dalawa ang kanilang kandidatura, malinaw ang sinabi ni Guico na tatakbo siyang gobernador dahil kailangang magkaroon ng totoong pagbabago at pag-angat ang lalawigan.

Idiniin niya na ang Pangasinan ay nagpag-iiwanan na ng ibang lalawigan.

Ang mga pinuno ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan simula 2019 hanggang kasalukuyan ay sina Gobernador Amado “Pogi” Espino III at Bise-Gobernador Mark Lambino.

Si Pogi Espino ay naging gobernador matapos ang siyam na taon ng pagiging gobernador ng kanyang ama na si Rep. Amado Espino III.

Isa sa mga anak ng Pangasinan ang misis ko.

Taun-taon, umuuwi ang aking pamilya sa Pangasinan dahil reunion ng aming pamilya.

Dahil sa misis ko, napamahal na sa akin ang Pangasinan.

Kaya, interesadung-interesado ako kapag mayroong mga nagaganap sa Pangasinan, kabilang na ang tungkol sa mga pulitikong magsisitakbo sa halalan.

Importante ang mga pulitikong tatakbo dahil sa usapin ng kanilang mga patakaran, programa at proyekto sa maraming usapin.

Pokaragat na ‘yan!

Nagulat ako sa biglang pag-iwan ni BG Lambino kay Gobernador Espino.

Sa pagkakaalam ko, ­unang sabak sa pulitika ni Lambino noong halalang 2019.

Ngunit, hindi pa man natatapos ang kanyang unang termino ay kumampi na siya sa ibang pulitiko.

Si Lambino ay anak nina Mangaldan Mayor Mary Marilyn Lambino at Cagayan Economic Zone Secretary Raul Lambino.

Si Secretary Lambino ay isa sa mga “loyal” na ‘bataan’ ni dating Pangulong Gloria Macapagal – Arroyo.

Maliban sa pagiging opisyal sa administrasyong Duterte, si Sec. Lambino ay isa sa mga pinuno ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP- Laban).

Bukod kina BG Lambino at Mayor Lambino, balitang-balita sa ikaapat na distrito na tatakbo sa pagkakongresista si Secretary Lambino.

Tatapatan at kakalabanin umano niya si Rep. Christopher de Venecia, anak ni dating Speaker Jose de Venecia.

Ngunit, hindi pa inaanunsiyo ni Sec. Lambino ang plano niya dahil masyadong abala pa sila ni Energy Secretary Alfonso Cusi sa pagkontrol ng PDP–Laban upang siguradong hindi maagaw ng pangkat nina Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao at Senador Aquilino “Koko” Pimentel III ang liderato ng PDP – Laban.

Kung seryoso at ­totoong disedido si Guico na tumakbong gobernador ng Pangasinan tungo umano sa pagpapaunlad at pag-angat ng lalawigan mula pagpapabaya ng kasalukuyang pamumuno ng panlalagiwang pamahalaan, kailangan niyang ilinaw kung bakit nagkaroon siya ng alyansa kay Bise-Gobernador Lambino kung kumbinsidung-kumbinsido si Rep. Guico na palpak na palpak ang kasalukuyang mga namumuno sa pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan na sina Gob. Espino at BG Lambino.

Ipaliwanag din ni Guico kung bakit pinili niyang maging katambal ang katuwang ngayon ng itinuring at idiniin niyang palpak na palpak na gobernador.

Kailangan ng mamamayan ng Pangasinan ng napakalinaw na paliwanag upang makapamili sila nang tama, tapat, seryoso, may aksyon at hindi manlolokong mga pulitiko na magiging gobernador at bise-gobernador ng lalawigan mula 2022 hanggang 2025.

oOo

CP: 09985650271 / Viber #: 09457016911

149

Related posts

Leave a Comment