NABENIPISYUHAN ang sampung libong residente ng Montalban ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa ginanap na payout noong Enero 27, ng taong ito.
Ayon kay Rizal 4th District Rep. Juan Fidel Felipe Nograles, bahagi ito ng kanyang pagsusumikap para magkaroon ng ayuda ang kanyang mga kababayan lalong-lalo na ang mga senior citizen.
Kasabay nito, pinasalamatan niya ang mga taga-Montalban sa pakikiisa sa kanya sa lahat ng kanyang aktibidad.
Sa DOLE-TUPAD payout na isinagawa sa Primark Town Center sa Kasiglahan, Brgy. San Jose, Montalban, ay nakapanayam ng SAKSI NGAYON ang ilan sa mga benepisyaryo na labis ang pasasalamat kay Cong. Nograles.
Isa sa kanila si Erica Nicole Macavinta, 19-anyos, may asawa at isang taong gulang na anak mula sa Brgy. San Rafael.
Aniya, malaking tulong sa kanilang pamilya ang natanggap niyang P5,600 na magagamit nilang pambili ng diapers at iba pang pangangailangan.
Hinimok din niya ang mga kapwa benepisyaryo na gamitin nang tama ang kanilang natanggap na ayuda at huwag sa bisyo.
Nagpaabot din ng pasasalamat kay Cong. Nograles si Mang Leonardo, 29-anyos, may-asawa at tatlong anak at residente ng Brgy. Manggahan.
Aniya, pangunahing bibilhin nila sa natanggap na ayuda ay bigas, gamit sa bahay at pandagdag sa gastusin sa pag-aaral ng mga anak.
Hiling naman niya sa mga kapwa benepisyaryo ang patuloy na pakikiisa sa mga programa ni Cong. Nograles.
Batay sa record, si Nograles ay nakapagtala ng 104,000 beneficiaries sa Healthcare and Burial Cash Assistance, 49,000 beneficiaries sa TUPAD Livelihood Assistance, P83 Million total amount ng Hospital Guarantee Letters, 4k+ Educational Assistance and Scholarships at 59k plus sa iba pang ayuda tulad ng wheelchair, food packs, computer, school supplies, vaccination, at iba pa. (JOEL O. AMONGO)
