SINIBAK sa puwesto ang apat na pulis, gayundin ang commander ng Beata Police Community Precinct ng Manila Police District Station 10 makaraang ikulong ng 20-oras ang isang radio reporter kamakailan.
Sina P/Lt. Joel Piñon, PCP commander at ang kanyang mga tauhan na sina P/SMS Jonathan Hernandez, P/Cpl. Charles Bronzon Dela Torre, Pat. Marvin Anthony Conboya at Pat. Jonathan Abad ay inilipat sa MPD Headquarters DIDMD.
Ang pagkakasibak ng PCP commander at apat nitong tauhan ay makaraang ikulong nila si Lorenz Tanjoco ng Radio Pilipinas dahil lamang sa umano’ y pagkuha nito ng larawan sa pamamagitan ng dalang cellphone habang nasa checkpoint.
Una umano itong sinita dahil sa hindi tamang pagsusuot ng facemask habang nakasakay sa motorsiklo.
Ipinakita nito ang mga dokumento ng motorsiklo ngunit nagalit umano ang mga pulis nang kunan nito ng larawan.
Dahil dito, napilitan umanong ikulong imbes na i-case file na lamang ang kaso.
Dahil dito, nagpasya si MPD-District Director P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco na sibakin ang PCP commander at apat nitong tauhan. (RENE CRISOSTOMO)
236
