MAGANDA ang naging dulot nang pagbabalik ng overseas Filipino workers (OFWs) sa kani-kanilang mga trabaho dahil nasaksihan natin ang muling pagsipa ng cash remittances noong nakaraang taon.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, ang cash remittances na naitala noong 2021 ay pumalo sa $34.88 bilyon, o mas mataas nang 5 porsyento kaysa $33.19 bilyon noong 2020 na kasagsagan ng pandemya.
Habang parami na nang parami ang mga bansa na nagluluwag ng restriksyon, nagiging napakalaking tulong nito para sa ating mga OFW dahil mas marami nang trabaho ang nagbubukas.
Sa kabila nito, hindi lingid sa ating kaalaman ang sitwasyon ng pang-aabuso sa napakaraming migrant workers. Ayon sa Philippine Overseas Labor Office (POLO), noong 2020 ay umabot sa 5,000 ang kaso ng mga inabusong OFW. Sa kabuuang ito, 4,302 na kaso ang naitala sa Middle East lamang.
Ang ating mga OFW ay nasa pangangalaga ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), isang ahensya na nasa ilalim ng bagong tatag na Department of Migrant Workers na bubuksan ng pamahalaan sa susunod na taon. Kaya lamang, tila higit na kailangan pa rin natin ng isang kinatawàn sa Kongreso upang magtulak ng mga batas na magpoprotekta sa ating mga OFW at magtitiyak na sila ay nasa mabuting kapakanan.
Isa sa mga tumatakbong party-list ngayon ay ang Advocates & Keepers Organization of OFW Inc., o AKO-OFW, na siyang pang-10 sa balota.
Mula nang maitalaga noong 2015, naging aktibo na ang AKO-OFW sa pagprotekta sa karapatan at kapakanan ng ating mga OFW, bukod pa sa kanilang mga programa at inisyatiba katulad ng OFW pension plan, programang pabahay, scholarship grant para sa mga anak ng OFW, at reemployment program na lahat ay kapaki-pakinabang para sa ating migrant workers at ng kanilang pamilya.
Mayroon din silang mga discount program at ward sa mga regional hospital na nakatalaga para lamang sa mga OFW.
Bukod dito, isinusulong din ng AKO-OFW party-list ang mga reporma, batas, at polisiya na nakatuon sa pagpoprotekta sa mga karapatan ng ating migrant workers. Kasama rin sa kanilang plano ang pag-pool ng mga propesyunal na katulad ng mga abogado, health at mental health workers, at financial advisors para lamang sa kanila.
Sa kabutihang palad, isa ang AKO-OFW party-list sa top 20 mula sa 177 na nagpapaligsahang party-lists para sa susunod na halalan.
Bilang mga botante, maging wais tayo sa pagpili ng ating mga iboboto sa susunod na eleksyon. Palagi nating isaalang-alang ang kabutihan ng bawat isa sa bawat desisyon na ating gagawin.
Bilang tulong at suporta sa ating mga OFW, isama natin sa listahan ang AKO-OFW party-list sapagkat sa grupong ito, masisiguro natin na magiging tunay silang sandalan ng ating mga OFW sa oras ng pagsubok.
259 