HINDI lamang mga biktima ng trahedya ang iniwan ng Binaliw landfill landslide, kundi pati na rin ang isang tahimik na bayani na nag-alay ng lakas at oras para sa kapwa.
Isang 50-taong gulang na volunteer responder mula sa Toledo City, Cebu ang pumanaw matapos makaranas ng malubhang impeksiyon na nauwi sa sepsis, ilang araw matapos siyang makilahok sa search-and-rescue operation sa mga natabunan ng landslide.
Ayon sa ulat ng BFP 7 – Cebu City Fire Station, kinumpirma ni Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) head at Councilor Dave Tumulak, ang agarang sanhi ng pagkasawi ng responder ay septic shock secondary to severe wound infection base sa medical findings.
Batay sa impormasyon mula sa pamilya ng biktima, naka-assign ito sa ground zero ng Binaliw landfill mula Enero 10 hanggang 13, bagay na makikita rin sa kanyang check-in form.
Matapos ang ilang araw na walang humpay na pagtulong sa rescue operations, umuwi ang responder na may nararamdamang pananakit sa paa.
Ayon sa kanyang anak, nang makauwi ang biktima ay nagbago na ang kalagayan nito matapos ang ilang araw na patuloy na pagsusuot ng bota, na nagdulot ng sugat sa kanyang paa na kalauna’y naimpeksiyon kaya agad siyang isinugod sa Miller Hospital para gamutin.
Kinumpirma rin ng pamilya na matagal nang may Type 2 diabetes ang biktima—isang kondisyon na maaaring nagpalala sa impeksyon at nagpabilis sa paglala ng kalagayan nito.
Sinabi ni Councilor Tumulak, hinihintay pa nila ang opisyal na death certificate upang makumpleto ang dokumentasyon at matukoy ang tulong na maaaring ibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Pamahalaang Lungsod ng Cebu sa naiwang pamilya ng responder.
(NILOU DEL CARMEN)
40
