INANUNSYO ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier, Chairperson ng 2025 Bar Examination, na ilalabas at isasapubliko sa hapon ng Miyerkoles, ang Results and List of Successful Bar Examinees ng 2025 Bar Examinations.
Batay sa guidelines na inilabas ng Korte Suprema, magbibigay muna ng mensahe si Justice Lazaro-Javier sa Supreme Court Courtyard sa Padre Faura Street, Maynila, bago opisyal na ipalabas ang resulta.
Bukod sa opisyal na website ng Korte Suprema, magkakaroon din ng LED walls sa courtyard na magpapakita ng listahan ng mga pumasa hanggang alas-6 ng gabi.
Bukas sa publiko ang mga gate ng Korte Suprema mula alas-10 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi para sa mga nais personal na makita ang resulta.
Nagpaalala ang Korte Suprema na dapat maayos ang pananamit ng mga papasok sa compound. Ipinagbabawal ang pagsusuot ng sapatos na exposed ang daliri o sakong, punit na pantalon, at mga damit na sleeveless, cropped, o see-through.
Hindi rin papayagang makapasok ang sinumang may dalang armas, pampasabog, alak, o anomang uri ng ipinagbabawal na droga.
Pinayuhan ang lahat ng Bar examinees at stakeholders na tumutok lamang sa opisyal na komunikasyon ng Korte Suprema upang makakuha ng tama, beripikado, at napapanahong impormasyon tungkol sa resulta.
Hinikayat din ang publiko na maging mapanuri at umiwas sa pagpapakalat ng maling impormasyon kaugnay ng 2025 Bar Examination results.
(JULIET PACOT)
27
