BAGONG bayani kung ituring ang mga OFW sa panahon na sila ay nasa ibang bansa at kumikita pa, pero mistulang basahan na lamang kung ituring kapag retirado na.
Ito ang himutok ng mga retirado o ex-OFW matapos na sila ay tila nilalagpas-lagpasan na lamang ng mga ahensya ng gobyerno na nagbibigay ng ayuda. Kabilang na rito ang Department of Social Welfare and Development na kung saan hindi sila napasama sa sektor na dapat na mapagkalooban ng Social Amelioration Program (SAP).
Ayon sa sumbong ng mga retiradong OFW, noong namigay ng SAP form ang mga kinatawan ng barangay, kapag nalalaman na sila ay mga dati o retiradong OFW ay agad na sila ay tinatanggihan at hindi na isinasama sa listahan. Diumano ang katwiran ng mga taga-DSWD o taga-barangay na sila naman ay dating OFW kaya kahit paano ay mayroon silang kabuhayan.
Nakasaad sa DSWD Memorandum Circular 04, series 2020, ang “Target Beneficiaries” ng DSWD –SAP sa hanay ng OFW Sector ay mga distressed na overseas Filipinos na napauwi at mga stranded na hindi nakalabas ng bansa dahil sa idineklarang deployment ban bunga ng COVID-19 breakout mula Enero 2020 hanggang sa panahon na tuluyang maalis ang Community Quarantine.
Samantala, sa programa naman ng Department of Labor and Employment na nakapaloob sa Department Order 212, tinukoy nito na ang mga OFW na kabilang sa mga nawalan ng trabaho, OFW na No Work-No Pay at ang mga Balik-Manggagawa na naapektuhan ng krisis dulot ng COVID-19 lamang ang maaaring makatanggap ng ayudang P10,000.
Sa hanay naman ng ilang barangay ay tila tuluyan na nilang isinara ang kanilang isip na ang mga dating OFW ay hindi na kailangan na bigyan ng ayuda dahil ito naman diumano ay may kakayanan na sa buhay. Tila nakalimutan ng mga opisyal na ang mga dating OFW ay katulad din ng mas nakararaming mga Filipino na hindi napaghandaan ang kinakaharap na krisis na ito.
Bilang pagtugon sa kahilingan ng ating mga dating OFW, sa tulong ng mga malalapit na kaibigan na sina Evelyn Pagola, Adeline Sy, Yahyah Alashi at Michelle Khader ay nagpasimuno ang Ako OFW ng pagbibigay ng munting ayuda na bigas, delata, bitamina at mga noodles para sa mga dating OFW upang maibsan kahit paano ang kanilang hinanakit sa ating gobyerno.
Kabilang sa ating nahatiran ng ayuda ay ang ilang retiradong OFW na nagmula sa Southville Pooc, Sta.Rosa, Southville Cabuyao, Binan, Laguna at Dasmarinas, Cavite.
Bagaman maliit na porsiyento lamang ng mga dating OFW ang nabigyan ng ayuda, ngunit ang pakay nito ay upang ipamulat sa DSWD, DOLE at Local Government Unit, na mayroon isang sektor ng mga OFW ang dapat na hindi kinakaligtaan. Sila ang sektor ng mga datihan o Ex-OFW. Noong panahon ng kanilang kalakasan habang nasa ibang bansa, sila ay nagbigay rin ng kanilang pagsuporta at kontribusyon sa ekonomiya ng Pilipinas, kaya nararapat lamang na sa panahon ng kanilang kagipitan ay hindi sila kinalilimutan.
