NAGSAMPA na ng reklamo ang whistleblower na si Julie Patidongan, alyas “Totoy” sa National Police Commission o Napolcom laban sa diumano’y pulis na sangkot sa nawawalang mga sabungero.
Ibinunyag ni Patidongan sa isinagawang press conference sa Napolcom, na isang aktibong Police Colonel ang responsable umano sa pagdukot at pagpatay sa “missing sabungeros”.
Isang retiradong heneral naman ang kanyang pinangalanan na sangkot din sa grupo at nagbigay umano payo kay Charlie ‘Atong’ Ang na patayin siya.
Samantala, sinampahan na ng kasong administratibo sa Napolcom ang labing dalawang pulis na isinasangkot ni Patidongan. Kasama ni Patidongan ang mga pamilya ng ilan sa mga nawawalang sabungero.
Ang mga kinasuhang pulis na inisa-isang pangalanan ni Patidongan ang aniya’y nagdala sa mga sabungero sa Taal Lake mula galing sa isang farm.
Marami pa aniyang mga pulis ang sangkot sa pagkawala ng mga sabungero bukod sa kanyang mga pinangalanan.
Ayon naman kay NAPOLCOM Vice Chairperson at Executive Officer Atty. Rafael Vicente R. Calinisan, hindi pa nito nakikita o nare-review ang mga dokumento pero posibleng bumagsak sa kasong “grave misconduct and conduct unbecoming of a police officer” ang reklamo sa mga pulis na ito dahil sila ay aktibo at pinakamabigat na penalty ay “dismissal”.
(TOTO NABAJA)
