LUMUSOT na sa committee level sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang dagdagan ng isang taon ang serbisyo ng officers and non-officers ng Philippine National Police (PNP) bago sila obligadong magretiro.
Ito ang nilalaman ng House Bill (HBO 11140 na pinagtibay sa House committee on public order and safety at nakatakdang iakyat na sa plenaryo ng Kamara para pagtibayin sa ikalawa at ikatlong at huling pagbasa.
“Ang pagpapalawig ng mandatory retirement age para sa PNP ay makatutulong upang matugunan ang pangangailangan ng ating bansa para sa mga pulisya na may malawak na karanasan sa pagpapatupad ng mga batas,” ayon sa chair ng komite na si Sta. Rosa Laguna Rep. Dan Fernandez.
Sa kalasakuyan ay 56 anyos ang compulsory retirement age ng mga officer at non-officer ng PNP base sa Republic Act (RA) 6975 o “Department of the Interior and Local Government Act of 1990”.
Sinuportahan ni Atty. Ricardo Bernabe III, National Police Commission (Napolcom) vice chairperson and executive officer, ang nasabing panukala at naniniwala ito na hindi maaapektuhan ang performance ng mga pulis.
Hindi tinutulan ni Bernabe ang nasabing panukala dahil sa ibang bansa tulad ng United Kingdom, Vietnam at Australia, 60 anyos ang compulsory retirement age ng kanilang mga pulis nang hindi naaapektuhan ang kanilang trabaho.
Inaprubahan din ng komite ang suhestiyon ng ilang mambabatas na isama ang mga personnel ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa nasabing panukala dahil nasa ilalim din ang mga ito ng DILG dahil hindi kasama ang mga ito sa orihinal na panukala. (BERNARD TAGUINOD)
