CAVITE – Patay ang isang rider habang sugatan ang angkas nito nang mawalan ng balanse ang motorsiklo matapos masagi ng dump truck at magulungan sa bayan ng Kawit sa lalawigang ito, noong Lunes ng gabi.
Isinugod sa Las Piñas District Hospital ang mga biktima ngunit hindi umabot nang buhay si Eleazar Gulfo Agaraw, nasa hustong edad, habang inoobserbahan ang kalagayan ng angkas nitong si Orlando Pongon Velche.
Pinaghahanap naman ang driver ng isang pulang HOWO dump truck na si Kenneth Mariano na tumakas makaraan ang insidente.
Ayon sa ulat ni P/MSgt. Erwin Clerigo ng Kawit Police Station, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo at angkas si Velche habang binabagtas ang Covelandia Road, Brgy. Kaunlaran, Kawit sa direksiyon ng north bound patungong Bacoor City dakong alas-7:30 noong Lunes ng gabi.
Binabagtas din ng truck na minamaneho ni Mariano, ang north bound ngunit nasagi nito ang motorsiklo ng mga biktima.
Bunsod nito, nawalan ng balanse at nadulas ang motorsiklo hanggang sa magulungan ng truck.
Ngunit imbes na tulungan ni Mariano ang mga biktima ay mabilis itong tumakas at iniwan ang truck sa gitna ng kalsada. (SIGFRED ADSUARA)
