RIDER SUMALPOK SA KALABAW, KAPWA PATAY

QUEZON – Patay ang isang binata nang bumangga ang minamanehong motorsiklo sa isang kalabaw na biglang tumawid sa Barangay Road, Brgy. Macpac, sa bayan ng Catanauan sa lalawigan noong Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang biktimang si alyas “Kenneth”, 24-anyos, residente ng Brgy. Tuhian, Catanauan.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-6:30 ng gabi, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo nang biglang tumawid sa kalsada ang kalabaw na walang tali.

Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang biktima at kanyang motorsiklo sa kalsada.

Napag-alamang wala itong suot na helmet o anomang safety gear, dahilan ng grabeng pinsala.

Agad dinala ang biktima ng rescue team sa Bondoc Peninsula District Hospital ngunit idineklarang dead-on-arrival ng mga doktor.

Samantala, namatay rin ang kalabaw sa mismong pinangyarihan ng insidente. (NILOU DEL CARMEN)

49

Related posts

Leave a Comment