QUEZON – Isang foreman ang binugbog ng dalawang construction worker makaraang dyowain umano ng biktima ang tiyahin ng mga suspek sa Brgy. Lalig, sa bayan ng Tiaong sa lalawigan.
Kinilala ang biktimang si Edmond Pasco, 41, residente ng Brgy. Cabibihan, Tagkawayan, Quezon.
Pinaghahanap naman ang mga suspek na sina alyas “Ayan”, 25-anyos, at “Jovit”, 28-anyos, kapwa residente ng Brgy. Tagbakin, Tiaong, Quezon.
Ayon sa imbestigasyon ng Tiaong Municipal Police Station, nangyari ang insidente bandang alas-9:20 ng gabi noong Huwebes, habang nagpapahinga ang biktima at mga kasamahan nito sa ikalawang palapag ng lumang barangay hall, matapos ang trabaho sa konstruksyon ng bagong barangay hall.
Bigla na lang umanong dumating ang mga suspek, hinanap ang biktima, at agad itong pinagtulungang bugbugin.
Agad nakahingi ng tulong ang mga kasamahan ng biktima para madala ito sa ospital.
Nabatid sa pagsisiyasat, ang pananakit ng mga suspek ay dahil umano sa pakikipagrelasyon ng biktima sa tiyahin ng mga ito.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kaso habang isinasagawa ang hot pursuit operations upang madakip ang mga suspek. (NILOU DEL CARMEN)
