BINALASA ni Philippine National Police (PNP) Chief General Nicolas Torre III ang pamunuan ng Explosives and Ordnance Disposal K9 Group.
Bagaman tumangging idetalye ng pinuno ng PNP ang balasahan, may kinalaman umano ito sa nag-viral na patpating aso ng nasabing unit kamakailan.
Tiniyak naman ni Torre ang buong suporta sa kanilang EOD K9 unit na aniya’y isa sa mahalagang bahagi ng operasyon ng PNP.
Naganap ang pagbalasa matapos mag-viral sa social media kamakailan ang K9 Dog na si Kobe dahil sa sobrang kapayatan nito.
Paliwanag ni Torre, sinanay ang mga K9 dog sa maseselang misyon para sa seguridad at malaki aniya ang kaibahan ng mga ito na itinuturing na ‘working dogs’ kaysa sa pet dogs na dapat maintindihan ng publiko.
Pinasalamatan naman niya ang ‘fur parents’ sa kanilang suporta at malasakit.
Layunin ng hakbang na mapalakas ang ibinibigay nilang serbisyo sa publiko na hindi nakokompromiso ang pangangalaga ng mga K9 dog na katuwang nila sa tungkulin.
Ayon sa PNP, mayroong 300 mahigit na working dogs ang ngayon ay nasa pangangalaga ng EOD K9 Group na sinanay sa sniffing, guard duties at tracking operations.
(TOTO NABAJA)
