“TO the rescue” ang isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa kanyang kabarong komedyante at TV host na si Vice Ganda matapos palagan ang kanyang ‘jet ski holiday’ joke’ ng mga Duterte supporter.
Sa kanyang video message, hindi na ipinagtaka ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña ang pagkuyog ng Duterte supporters sa komedyante dahil masakit aniyang tanggapin ang katotohanan.
Sa isang concert, ginawang subjects ni Vice Ganda ang isyu sa jetski na patungkol sa pangako ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 presidential election na kapag siya ang nanalong pangulo ay sasakay siya sa jetski at magtatanim ng bandila ng Pilipinas sa mga lugar na sinakop ng China para igiit ang karapatan ng mga Pilipino sa West Philippine Sea (WPS).
Ginawa itong katatawanan ni Vice Ganda bagay na hindi nagustuhan ng mga tagasuporta ni Duterte kaya nananawagan ang mga ito sa Davao City government na pinamumunuan ng anak ng dating pangulo na si acting Mayor Sebastian Duterte na ideklara ang komedyante bilang persona non grata.
“Speaking truth to power is most potent when it makes people laugh. Ibig sabihin tagos na tagos at tusok na tusok. Laughter is not only the best medicine, it is also the best wake-up call,” ang pagtatanggol ni Cendaña sa kanyang kabarong si Vice Ganda.
“At kung sakaling ma-persona non grata ka, keri lang yan. Dahil sa aming puso, Meme, ikaw ay persona bonggang-bongga,” dagdag pa ng mambabatas na nagsusulong ng karapatan ng third sex sa Kongreso.
Pinasalamatan din ng mambabatas si Vice Ganda sa kanyang ‘brand of comedy’ dahil iminumulat pa rin umano nito ang mga tao kung papaano abandonahin ng dating Pangulo ang karapatan ng Pilipinas sa WPS pabor sa China.
Lalong lumakas ang presensya ng China sa WPS noong panahon ni Duterte at hanggang ngayon ay patuloy na hinaharass ng mga ito ang mga Pilipino sa nasabing teritoryo tulad ng pag-water cannon.
“Mabuhay ka Meme Vice! Maraming salamat sa pagpapatawa nang may pagmumulat at paninindigan,” ani Cendaña kay Vice Ganda o Jose Marie Borja Viceral ang tunay na pangalan.
(BERNARD TAGUINOD)
