NAMATAY habang isinusugod sa ospital ang isang 80-anyos na lola makaraang mabundol sa isang motorsiklo habang tumatawid sa panulukan ng Rizal Avenue at Tambunting Street, Sta. Cruz, Manila nitong Lunes ng umaga.
Kinilala ang biktimang si “Lola Leonila”, residente ng Brgy. 206, Sta. Cruz, Manila, habang sugatan naman ang driver ng motorsiklo na si R-Jay Besana, nasa hustong gulang, isang waiter, residente ng Valenzuela City.
Base sa ulat ni Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), bandang alas-6:30 ng umaga nang mangyari ang insidente sa naturang na lugar.
Nabatid sa imbestigasyon ni Police Corporal Arcyll de Guzman, binabagtas ni Besana ang northbound ng Rizal Avenue patungong Caloocan City.
Ngunit pagsapit sa kanto ng Samal Street ay biglang tumawid ang biktima at nabundol ito ng motorsiklo.
Isinugod ang biktima sa pagamutan ngunit binawian ito ng buhay dahil sa pagkabagok ng ulo.
Sugatan din sa insidente ang driver ng motorsiklo na dinala rin sa ospital.
(RENE CRISOSTOMO)
