ITINULAK ng kapwa mambabatas ang suspensyon laban kay House Speaker Martin Romualdez at tatlong iba pa habang hindi nareresolba ang mga kasong inihain na may kaugnayan sa 2025 general appropriations bill (GAB).
Kahapon ay inihain ni dating House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez kasama sina Atty. Ferdie Topacio, Atty. Jimmy Bondoc, Diego Magpantay ng Citizen’s Crime Watch at Virgilio Garcia ng Motion for Preventive Suspension sa Office of the Ombudsman ang petisyon laban kay Romualdez.
Bukod sa kasalukuyang lider ng Kamara, pinagsususpinde rin nina Alvarez sina Majority Leader Jose Manuel Dalipe, dating Appropriations chairman Rep. Elizaldy Co at acting chairperson ng komite na si Marikina Rep. Stella Quimbo.
May kaugnayan ang inihaing mosyon sa falsification of legislative documents na isinampa laban sa mga nabanggit na opisyal ng 19th Congress sa Quezon City Prosecutors’ Office at paglabag sa anti-graft and corruption law sa Office of the Ombudsman noong Pebrero 10.
Ang kasong falsification of legislative documents ay nag-ugat sa natuklasang mga blangko sa Bicameral Conference committee report na niratipikahan sa plenaryo ng Kamara subalit pagdating sa enrolled bill ay kumpleto na ang detalye na siyang pinirmahan naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Natuklasan din umano ni Alvarez na umaabot sa P241 billion ang isiningit sa 2025 General Appropriations Act (GAA) at walang ibang nakakaalam nito kundi ang nabanggit na opisyales ng Kamara.
Ipinaliwanag sa nasabing mosyon na sa ilalim ng Section 24 ng Republic Act (RA) 6770 o The Ombudsman Act of 1989, may otoridad ang Ombudsman na suspendihen ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno na kinasuhan at iniimbestigahan sa isang kaso.
“The Ombudsman or his Deputy may preventively suspend any officer or employee under his authority pending an investigation, if in his judgement the evidence of guilt is strong, and (a) the charge against such officer or employee involves dishonestly, oppression or grave misconduct or neglect in the performance of duty; (b) the charge would warrant removal form the service; or (c) the respondent’s continued stay in office may prejudice the case filed against him,” ayon sa nasabing mosyon nina Alvarez.
Wala pang reaksyon ang kampo nina Alvarez habang isinusulat ito subalit nauna nang kinuwestiyon ng ilang administration congressmen ang motibo ni Alvarez sa isinampang kaso noong Pebrero 10, dahil ginawa ito matapos maimpeached ang kaniyang kaalyadong si Vice President Sara Duterte noong Pebrero 5. (PRIMITIVO MAKILING)
