ROMUALDEZ, CO SILIPIN DIN SA PHILHEALTH FUNDS TRANSFER

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

HETO isa sa mga tanong ngayon na hindi pa direktang sinasagot. Paano nga ba nagsimula ang mekanismong nagsasauli ng P60 bilyong pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa National Treasury?

Kung titingnang maigi, malinaw naman ang trail na galing mismo ito sa Kongreso, lalo na sa panahong Chairperson si dating Cong. Zaldy Co ng House Appropriations Committee.

Noong Nobyembre 2023, isinulong ni Co ang House Bill No. 9513, isang panukalang batas na nagpapahintulot sa gobyerno na gamitin ang idle o excess funds ng government-owned or -controlled corporations na kinabibilangan ng PhilHealth.

Hindi pa ito kontrobersyal noon at ni wala ngang nakapansing mga kritiko gaya nina Cielo Magno at Tony Leachon, pero kung imumulat lang nina Prof. Cielo at Doc Tony ang kanilang mata noon, agad nilang makikita na magkapareho ang HB 9513 ni Co at ang Special Provision 1(d) sa 2024 national budget. Ito ang probisyong ibinasura ng Supreme Court sa desisyon nito na nagsasabing ang rider ay unconstitutional.

Hindi ito coincidence. Ang HB 9513 ay prelude sa unconstitutional rider. Parehong layunin, parehong mekanismo, at pareho ring panahon lumitaw, habang Appropriations Chair si Co at House Speaker si Martin Romualdez.

Walang sinasabi ang Kataas-taasang Hukuman na may masamang intensyon ang sinoman, pero malinaw na may legislated pathway na inilatag bago pa man naibalik sa treasury ang nakatenggang pondo ng PhilHealth.

Ayon pa sa desisyon, hindi saklaw ng kasong ito ang paghusga ng kriminal na pananagutan. Ang tanging isyu ay kung valid ba ang issuances, at dito sinabi ng Korte Suprema na walang nagawang labag sa batas ang Department of Finance (DOF).

Ang DOF ay tagakolekta lang ng kita ng pamahalaan, hindi nagbibigay ng pondo, hindi gumagasta, at lalong hindi nagtatakda kung aling pondo ang dapat kunin o i-realign.

Sa ganitong pagsipat, mas lumilinaw ang papel ng bawat tanggapan. Ang Office of the President ay nagbibigay ng policy direction, ang Department of Budget and Management ang nag-a-allocate at naglalabas ng pondo, at ang Kongreso, sa pamumuno noon nina Romualdez at Co, ang may tunay na kapangyarihang magsingit, mag-amyenda, o maglagay ng probisyon sa national budget. Kung saan nagmula ang mekanismo, natural lang na doon dapat ibunton ang sisi. Hindi ba?

Ngayon, idineklara na ng Pangulo na ibabalik ang P60 bilyon sa PhilHealth, at binigyang-diin din ni Sen. Pia Cayetano na dapat manatili ito sa 2026 budget bilang pagsunod sa batas.

Sinabi Sen. Pia na hindi ito usapin ng pulitika, ito aniya’y usapin ng legal obligations sa Universal Health Care Act, Sin Tax Laws, at sa mismong Konstitusyon.

Kung may aral sa lahat ng ito, ang DOF ay hindi dapat gawing scapegoat sa isang mekanismong hindi naman nito binuo. Ang landas patungo sa kontrobersyal na probisyon ay nagsimula sa Kongreso. At kung gusto nating maiwasan na maulit ito, hingin natin ang pananagutan mula sa mga gumawa (Romualdez at Co) at hindi sa mga nagpatupad lang sa isang probisyong ibinasura ng Korte Suprema.

14

Related posts

Leave a Comment