ROMUALDEZ MAY RESPONSIBILIDAD SA FLOOD CONTROL ISSUE

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

KUNG pagbabasehan ang mga pahayag ni Navotas Rep. Toby Tiangco, may pananagutan si dating House Speaker Martin Romualdez sa kontrobersiya sa maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Rep. Tiangco, may command responsibility si dating Speaker Romualdez kaugnay ng umano’y mga insertion sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na iniuugnay kay dating Ako Bicol Party-List Representative Zaldy Co.

Sinabi pa ng mambabatas na wala siyang pinapanigan sa isyu at gusto lamang niyang ilahad ang mga pangyayari at totoong naganap.

“Wala akong kinakampihan at pinagtatanggol, sinasabi ko kung ano ang tunay na nangyari, hindi para depensahan ang Presidente kundi para sabihin ang totoo. All of these would not have happened if hindi pinayagan ni Speaker. Ang may direct command responsibility kay Zaldy ay si Martin,” banggit pa ng mambabatas sa isang panayam sa radyo.

Ang pahayag ni Tiangco ay kasunod ng nauna niyang sinabi na kinumpronta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sina Romualdez at Co kaugnay ng paglilipat ng unprogrammed funds sa mga proyektong sinasabing inaprubahan ng dalawa.

Ayon kay Tiangco, hindi alam ng Pangulo ang mga naging hakbang nina Romualdez at Co, dahilan kung bakit sila pinagalitan.

“All of this will not have happened kung hindi pinayagan ni former Speaker Martin Romualdez. Kasi kung sasabihin natin command responsibility, the direct command responsibility was the command responsibility ng dating Speaker Martin Romualdez kay Zaldy Co. ‘Yan ‘yung direct na command responsibility eh. Kaya nga, napagalitan siya (ni Presidente),” dagdag pa niya.

Nanawagan din si Tiangco sa pamahalaan na paigtingin ang mga hakbang upang maibalik sa Pilipinas si Co, lalo’t may inilabas nang warrant of arrest laban dito.

Aniya, maraming Pilipino ang nadidismaya dahil wala pa ring nahuhuling mga “big fish” kaugnay ng isyu.

Iminungkahi rin ni Tiangco ang pagpapadala ng isang team sa Portugal upang ipakita ang seryosong hangarin ng administrasyon na tugisin si Co.

“Nakukulangan lang ako doon sa effort. Parang isang taong may warrant of arrest dito sa Pilipinas ‘di ba—’pag mas pursigido, mas malaki ang tsansa. Maghanap-hanap na sila doon. Tanong-tanong sila ng mga Filipino community. Mag-imbestiga na rin sila ‘pag nandoon sila in coordination with the law agencies sa bansa na ‘yun,” ani Tiangco.

Ayon pa sa kanya, nasa Office of the Ombudsman na ngayon ang imbestigasyon sa umano’y mga anomalya sa flood control projects.

Dagdag niya, umaasa siyang maipapasa ang ICI bill na kanyang inakda sa oras na magbalik ang sesyon ng Kongreso upang mas mapalakas ang mandato ng komisyon. “Lahat nakaatang na sa balikat ng Ombudsman. Since kulang na ng personalidad ‘yung ICI, wala silang katulong pagdating sa bagay na ‘yun, hindi katulad noong buo pa ‘yung ICI. But I hope pagbalik namin sa Congress, maipasa na ‘yung ICI bill,” pahabol pa niya.

oOo

Binabati naman natin ang ginawang agarang aksyon ng Valenzuela City Police Station (VCPS) sa lumabas na video viral kaugnay sa insidente ng reckless driving incident noong Enero 15, 2026, dakong alas-8:30 ng gabi sa Sapang Bakaw St., Brgy. Lawang Bato, Valenzuela City.

Nauna rito, napag-alaman ang insidente ni Mayor Wes Gatchalian kaya ipinag-utos niya kay PCol. Joseph Talento, chief of police ng Valenzuela City Police Station, na magsagawa ng imbestigasyon.

Nakilala ang driver na nasangkot sa insidente na si “Nelson,” 41-anyos, residente ng Brgy. Lawang Bato at empleyado ng King Trucking Service, Inc., na agad namang sumuko sa nasabing istasyon ng pulisya.

Ang VCPS ay nakipag-ugnayan sa Land Transportation Office (LTO) na nag-isyu ng Show Cause Order (SCO) para isuko ang driver’s license at pinatawan ng 90-day preventive suspension ang tsuper at isinailalim sa alarmed status ang trailer truck.

Dahil dito, si Col. Talento ay naging panauhin pandangal sa Hataw ng Bayan sa DWBL 1242 ni Roland Lumagbas, kung saan ay kanyang inilatag ang kasalukuyang peace and order situation ng lungsod.

Kanilang pinaigting ang crime prevention, kampanya laban sa illegal na droga at iba pang ilegal na gawain para protektahan ang mamamayan ng Valenzuela City.

Mabuhay ang VCPS sa pamumuno ni PCol. Joseph Talento!

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

39

Related posts

Leave a Comment