(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
HAMON ang naging tugon ni dating Presidential spokesperson Harry Roque sa pagturo sa kanyang mastermind ng ‘polvoron’ video laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Inulit ni Roque ang hamon na sumailalim ang Pangulo sa hair follicle test upang patunayan na hindi siya gumamit ng droga.
Sa isang Facebook live kamakailan, iginiit ni Roque na wala sa tamang pag-iisip si Marcos dahil sa akusasyong gumagamit siya ng cocaine.
“Hindi po ‘yan conclusive pero alam n’yo sa batas ang tawag diyan is yung totality of evidence and mayroon talagang basehan para paniwalaan natin na talagang wala sa tamang pag-iisip ang ating Presidente,” ani Roque.
Para aniya mawala ang mga usap-usapang ganito ay dapat sumailalim sa hair follicle test ang Pangulo.
“Kaya nga po ang tanging solusyon diyan ay magpa-hair follicle test. ‘yan po siyensya ang magbibigay, ang magpapasinungaling doon sa paratang na gumagamit siya ng ipinagbabawal na droga na hanggang ngayon, hindi niya ginagawa. At ang tanong, bakit ayaw magpa-hair follicle test? Kasi ang hair follicle test po, hindi ‘yan magsisinungaling,” ani Roque.
Kaugnay nito, nagbigay naman ng pahayag ang Malakanyang matapos ituro si Roque na pinagmulan ng ‘manipulated polvoron’ video.
“Hindi na po bago ito sa pananaw ng taumbayan kung sino ba talaga ang utak o nagpakalat ng fake polvoron video na ‘to,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
“Hindi na ito bago at buti na lamang may isang tao na dati nilang kaalyado na sinabi na si Atty. Harry Roque ang nagpakalat. Even before nakita natin ito sa kanilang rally sa Vancouver, Canada.
Siya mismo, si Atty. Harry Roque ang nag-utos pa sa ibang mga kaalyado nila na ipakalat at sinabi pa nga niya sigurado na ang Pangulo daw ang nasa video,” ang sinabi ni Castro.
Winika pa ni Castro na hindi lingid sa kaalaman ng Palasyo ang bagay na ito.
Kaya nga aniya ang Polvoron video ay iniimbestigahan at sinusuring mabuti ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI).
Nagkaroon na rin aniya ng factcheck. Nagsagawa na rin aniya ng panibagong pag-iimbestiga kung ito ay tunay o hindi pero napatunayang manipulated ang sinabing video at may face swap.
Ito aniya ay galing din sa ebalwasyon na bahagi ng India-based Misinformation Combat Alliance.
(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)
