HALOS 4,000 illegal connection ang nasawata ng Distribution Utility na More Power and Electric Corp. (More Power) sa loob lamang ng 10 araw sa Iloilo City.
Ito ay sa pamamagitan ng “Oplan Valeria” na inilunsad upang wakasan ang matagal nang problema sa electric jumper sa lungsod.
Ayon kay Ariel Castañeda, hepe ng Apprehension Team ng More Power, ang mga nahulihang gumagamit ng jumper ay mula sa 42 barangay sa Iloilo City. Aniya, inaaasahan nilang madaragdagan pa ang nasabing bilang resulta ng kanilang mas pinaigting pang kampanya laban sa illegal connection.
Kasabay nito, nagbanta si More Power Legal Officer Atty. Allana Babayen-on sa mga residente na patuloy na nakikinabang sa illegal electric connection na tumigil na dahil seryoso ang power firm na habulin at papanagutin sila sa batas kung saan maaari silang maharap sa pagkakulong ng hanggang 12 taon bukod pa sa mataas na multa.
Nasa 6 katao na nasa likod ng sindikato na ginawang negosyo ang pagkakabit ng jumper ang kinasuhan ng More Power ng paglabag sa Anti-Pilferage Law.
Sa 2019 technical study na ginawa ng Miescor Engineering Services Corp. ay natukoy na mayroong 30,000 illegal connections sa Iloilo na siyang itinuturong dahilan ng pagtaas ng systems loss na
umabot sa 9.3% sa ilalim ng dating power firm na Panay Electric Company (PECO) gayundin ang overloading sa linya ng kuryente kaya nakararanas ng biglaang mga brownout.
Pinayuhan ng More Power ang mga nahulihan ng jumper na huwag nang bumalik sa pagnanakaw ng kuryente at sa halip ay mag-apply na ng kanilang sariling legal na kuntador ng kuryente.
“We’ve shortened the process even more. Pag-submit nila ng mga papeles from the City Engineer’s Office like the Electrical Safety Inspection Certificate and pay their bill deposit kahit partial lang na P1,000, we will install an electric meter right away, no fuss,” pahayag ni Castaneda kung saan nasa 1,500 residente na nahulihan ng jumper ang agad umanong nagpakabit ng kanilang linya ng
kuryente.
Samantala, itinuring ni Brgy. East Baluarte, Molo Chairman John Gary Patnubay na isang “blessing” ang pagpasok ng More Power sa Iloilo City dahil natigil na ang mga insidente ng sunog dulot ng faulty electrical wiring dala ng talamak na paggamit ng jumper.
Tinuran ni Patnubay ang mabilis, mas magaan at murang aplikasyon sa pagpapakabit ng electric connection bukod pa ang abot-kaya nang singil sa kuryente na ipinatutupad ng More Power na
siyang nag-udyok sa mga consumer na talikuran na ang panganib na paggamit ng jumper.
“In my barangay alone, more than 80 of the 130 applications for electrification are now legally connected with the power company, 50 of which were done in [a] single day on Saturday. It was
fast, amazingly fast. Let’s give it to MORE Power and its iKONEK Program that it launched in partnership with the city government of Iloilo to encourage city residents in securing their own
regular power accounts,” paliwanag pa ni Patnubay.
Noong PECO pa ang nangangasiwa sa power service sa Iloilo City ay isa ang lalawigan sa may pinakamataas na singil sa kuryente sa bansa at ang tinuturong dahilan ay ang mataas na systems
loss o ang nananakaw na kuryente na ipinapasa sa consumers gayundin ang mga lumang pasilidad na nagpapahina sa distribition efficiency.
Nangako naman ang bagong distriburion utility na More Power na pabababain nila ang electricity rate sa lalawigan sa pamamagitan na rin ng ginagawa nilang pagmodernisa sa transmission system at network at pagresolba sa jumper na target nilang matapos sa loob ng 3 taon.
Sinabi naman ni MORE Power president Roel Castro na ang kooperasyon ngayon ng mga barangay sa pagtukoy sa mga illegal connection ay naging malaking tulong at hinikayat din niya ang iba pang sektor na makipagtulungan para maresolba ang talamak na power pilferage sa lalawigan at makamit ang mas maayos at maaasahan na distribution system.
