Sa ‘bloody drug war’ REBYU NG DOJ TINABLA NG PDEA

IBINUNYAG ni Justice Secretary Menardo Guevarra na ayaw makipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagrerebyu ng Department of Justice (DOJ) sa madugong operasyon laban sa mga drug pusher.

Sabi ni Guevarra sa interbyu sa radyo na ang Philippine National Police (PNP) lang ang bukas at handang makipagtulungan sa rebyu ng DOJ.

Kinuwestyon umano ng liderato ng PDEA na posibleng labagin ng DOJ ang Data Privacy Law.

Ipinaalala ni Guevarra na ayon sa National Privacy Commission (NPC), hindi labag sa Data Privacy Law ang gagawing pag-aaral at pagsisiyasat ng DOJ hinggil sa mga operasyon ng PDEA at PNP na nagresulta sa pagkamatay ng maraming pinaniniwalang drug pusher at gumagamit ng bawal na gamot.

Pinag-aaralan at sinisiyasat ng DOJ ang kampanya ng PDEA at PNP sa droga upang matukoy at masampahan ng mga kasong kriminal ang mga tauhan ng dalawang ahensiya na lumabag at umabuso sa pagsasagawa ng operasyon laban sa mga taong sangkot sa droga.Ayon kay Guevarra, okey sa kanya ang desisyon ni PNP Chief, General Guillermo Lorenzo Eleazar, na makipagtulungan sa DOJ.

Napansin umano ni  Eleazar na libu-libong kaso sa mga korte ang pinawalang-bisa ng mga hukom dulot ng maling pagsasagawa ng mga operasyon, o ‘di kaya kulang ang ebidensiya laban sa mga suspek.

Simula Hulyo, 2016 ay naging madugo ang operasyon ng PDEA at PNP laban sa ilegal na droga.

Ayon sa ulat ng PDEA, mahigit 6,000 ang mga namatay sa operasyon mula 2016.

Sa talaan ng PNP, umabot lang sa mahigit 3,000 ang mga namatay. (NELSON S. BADILLA)

137

Related posts

Leave a Comment