MULING bibigyan ng Kongreso ng anim na buwan ang executive department para gastusin ang natitirang pondo sa Republic Act (RA) 11494 o Bayanihan to Recover as One Act” hanggang Disyembre.
Noong Biyernes ay inaprubahan ng House committee on appropriations na pinamumunuan ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap, ang panukalang batas na inakda nila ni Davao City Rep. Paolo Duterte na palawigin hanggang Disyembre 31, 2021 ang pagpapatupad sa nasabing batas.
Ito ang ikalawang ekstensyon na ibinigay ng Kongreso sa Executive Department para gamitin ang inilaang pondo sa nabanggit na batas upang matulungan ang lahat ng sektor na makaahon sa pandemya dahil bago ito napaso noong Disyembre 20, 2020 ay pinalawig na ito.
Umaabot sa P289.1 billion ang inilaang pondo sa Bayanihan 2 kung saan P10 billion dito ay inilaan para sa pambili ng bakuha habang P165 bilyon ang mapupunta naman sa ayuda at murang pautang.
Gayunpaman, bilyun-bilyon pa umano sa nasabing pondo ang hindi pa nagagamit hanggang sa kasalukuyan kasama na ang 70% sa P10 billion na ibinigay sa Department of Trade and Industry (DTI) na pautang sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) subalit hindi pa nare-release.
Malaki pa rin umanong pondo para sa ayuda ang hindi naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamilyang Filipino na apektado ng pandemya.
Maging sa Department of Education (DepEd) na binigyan ng P4 billion para tulungan ang mga estudyante na apektado sa distance learning ay hindi pa rin umano nagagamit ang kanilang pondo.
Inaasahan na pagtitibayin sa plenaryo ng Kamara ang nasabing panukala bago mag sine die adjournment ang Kongreso ngayong linggo. (BERNARD TAGUINOD)
137
