MAAARING bumaba ang reproduction number ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Metro Manila at mga karatig lalawigan sa 1.33, isang linggo mula ngayon, mula 1.65, ayon sa OCTA Research Group.
Ang reproduction number ay ang bilang ng mga kaso na direktang pinagmumulan ng COVID-19 cases sa populasyon kung saan posibleng magkaroon ng impeksyon ang mga tao.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, mula 1.65 ay maaaring pumalo sa 1.09 ang reproduction number sa Abril 16 kapag pinalawig pa ang community quarantine (ECQ) ng pitong araw dahil mapipigilan ang hawaan ng mga tao sa isa’t isa.
Ito ay dahil ang “upward trend” ng COVID-19 sa panahon ng pinalawig na ECQ ay hindi kakalat nang kasing bilis noong nakaraang linggo at posibleng bahagyang mas mababa ang reproduksiyon ng mga kaso ngayong lalawig pa ng isang linggo ang ECQ, banggit ni David.
Isinaad pa ni David, kapag binawasan ang mga restriksyon, o kung ibalik sa general community quarantine (GCQ) ay asahang magkakaroon ng 12,000 hanggang 13,000 kaso ng COVID-19 kada araw.
Dahil dito, mabibigla ang mga ospital sa NCR at mga karatig lalawigan sapagkat marami sa mga ito ang puno na ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-9.
Kaya naniniwala ang OCTA Research Group na tamang irekomenda ng Department of Health (DOH) na palawigin pa ang ECQ hanggang Abril 11 upang makita ang pagbaba ng bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa at bababa ang bilang ng mga mga pasyenteng dadalhin sa mga ospital. (MARINHEL T. BADILLA)
202 