KUMBINSIDO ang Malakanyag na hindi ipagdaramot ng Kongreso ang hirit ng department of health na dalawang bilyong pisong supplemental budget para sa patuloy na pagtugon ng gobyerno sa banta ng COVID-19.
Nauna rito ay umapela si Health Secretary Francisco Duque III sa liderato ng Kongreso na aprubahan ang supplemental budget sa panahong ito na hindi pa rin natitigil ang pagkalat ng COVID-19 at mahigpit ang pangangailangang ma-contain ang virus.
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, sa ganitong emergency situation at hindi naman talaga pangkaraniwan ang mga hakbang na ipinatutupad ng pamahalaan para pigilan ang COVID-19, hindi mag-aatubili ang mga mambabatas na aprubahan ang pagpasa ng hinihinging supplemental budget.
Kaya naniniwala si Sec. Panelo na hindi na kailangan pang susugan ni Pangulong Duterte ang mga mambabatas para lamang ipasa ang hinihinging supplemental budget dahil may kusa naman aniya ang mga ito para sa mga dapat nilang gawin lalo na sa panahon ng emergency.
Sa kabilang dako, gaya ng nauna nang ginawang hakbang ng gobyerno sa mga Pilipinong sakay ng MV Diamond Princess cruise ship, handa rin aniya ang pamahalaan na ipatupad ang katulad na health safety protocol sa mahigit 500 Pilipinong sakay ng isa na namang cruise ship na pinigil sa California dahil sa COVID-19. CHRISTIAN DALE
