Sa gitna ng banta ng Delta variant NCR PLUS BUBBLE MULING HIGPITAN

(RENE CRISOSTOMO)

ISINUSULONG ng OCTA Research Group ang muling paghihigpit ng ‘NCR Plus bubble’ upang maiwasan ang banta ng Delta variant ng COVID-19 habang patuloy ang pagtakbo ng ekonomiya sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.

Ayon kay OCTA Research fellow Guido David, ang ideya ng bubble ay makakaiwas para kumalat pa ang Delta variant dahil magiging limitado ang galaw sa essential travels.

Sa ilalim ng bubble, ang mga bata ay mahigpit na ipinagbabawal na lumabas ng bahay dahil ang Delta variant ay maaring makapagdulot ng long-term effects ng COVID-19 partikular sa mga kabataan.

Una nang nagbabala ang Department of Health (DOH) sa posibleng pagtaas ng local cases ng naturang Covid variant na unang naiulat sa bansang India.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang OCTA Research sa ilang mga lugar gaya ng Mariveles sa Bataan at Laoag City sa Ilocos Norte na nakapagtala ng pagtaas ng COVID-19 cases.

Binigyang-diin ni David na dapat maging pro-active at huwag nang hintayin na magkaroon pa ng surge ng COVID-19 cases bago umaksyon.

Mga bata bawal muling lumabas

Kaugnay nito, pabor ang DOH na pag-aralan ng pamahalaan kung babawiin ang resolusyon ng pagpayag na palabasin ang mga batang limang taong gulang pataas.

Reaksyon ito ng ahensya sa gitna ng banta ng Delta variant ng Coronavirus Disease (COVID).

Ang mga bata sa mga lugar na nasa ilalim ng general at modified general community quarantine ay dapat umanong manatili muli sa kanilang tahanan upang masigurong ligtas sa panibagong variant.

Sa public briefing noong Sabado, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kailangan ikonsidera ang presensya ng mas nakahahawa at mas mabagsik na Delta variant.

Ayon kay Vergeire, kailangan munang gumawa ng monitoring at assessment ang DOH sa mga restriction bago magbigay ng rekomendasyon sa Inter-Agency Task Force (IATF).

“Sa UK, very concerned ang scientists dyan. Kung hahayaan mahawahan ang mga bata, maybe 10 percent magkaka-long COVID,” babala naman ni Research fellow David.

Matatandaang pinayagan na ng IATF na lumabas ang mga kabataang five years old pataas sa open-air spaces gaya ng mga parke, restaurant na al fresco o outdoor, at mga lugar sa labas ng mga mall.

Subalit sa nakalipas na mga araw ay nakapagtala sa bansa ng aabot sa 16 dagdag na kaso ng Delta variant saan 11 dito ay local cases.

Ang COVID variant na ito ang itinuturong dahilan ng pagbagsak ng healthcare system sa India at pagsirit ng kaso sa ilang parte ng Southeast Asia gaya ng Indonesia at Malaysia.

Sinabi naman ni PNP Chief Police Gen. Guillermo Eleazar, na ikinasa na nila ang mas pinaigting na monitoring at quarantine checkpoints, kasabay ng patuloy na pakikipag-ugnayan sa IATF at National Task Force against COVID-19 upang malaman ang mga dapat pang palakasin para mapigilan ang pagkalat ng Delta variant sa Metro Manila.

98

Related posts

Leave a Comment