NELSON S. BADILLA
IPINAGTANGGOL ng isa sa mga pangunahing opisyal ng Liberal Party (LP) ang paglabag ni Associate Justice (AJ) Marvic Leonen sa Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) Law sa loob ng 15-taon, sa pamamagitan ng pagbira sa paghiling ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema hinggil sa naturang mga dokumento.
Sabi ni Senador Franklin Drilon, vice chairman ng LP, sa isang broadsheet na ang aksyon ng OSG sa pangunguna ni Solicitor General (SolGen) Jose Calida ay “for purposes of preparing a quo warranto petition” upang tanggalin ang mahistrado sa Korte Suprema.
Naninindigan at iginiit ni Drilon na si Leonen at mga kapwa niya mahistrado ay matatanggal lamang ng Kongreso, sa pamamagitan ng proseso ng impeachment.
Ikinasa ni Drilon ang kanyang mga ‘baril’ nang hindi nalalaman ang pinakabagong hakbang ng OSG sa SALN ni Leonen.
Si Calida ay naghain ng motion for reconsideration noong Oktubre 22 hinggil sa SALN ni Leonen na sumasakop sa pagtatrabaho ng huli sa University of the Philippines-College of Law mula 1989 hanggang 2010.
Hiningi rin ni Calida ang iba pang dokumento tungkol sa kayamanan ni Leonen.
Bukod kay Calida, ang 26-pahinang ikalawang mosyon ay nilagdaan din ng iba pang opisyal ng OSG.
Binigyan din ng OSG ng kopya ang Judicial and Bar Council (JBC), ang ahensiyang inutusan ng batas upang magrekomenda sa pangulo ng mga itatalaga sa Korte Suprema.
Ipinasa ang motion for reconsideration apat na araw makaraang ibasura ng Korte Suprema noong Setyembre 15 ang kahilingan ni Calida na ilabas ang SALN at iba pang dokumento tungkol sa kayamanan n Leonen.
Sa parehong motion for reconsideration, inamin ni Calida na ang layunin ng SALN at ng iba pang dokumentong tumatalakay sa kayamanan ni Leonen ay gagamiting batayan upang maghain ng petisyong quo warranto na magpapaalis sa naturang mahistrado sa Korte Suprema.
Ang mga batayan ni Calida sa pagkuha ng mga dokumento ay ang Konstitusyong 1987, Republic Act No. 6713 at ilang desisyon ng mataas na korte hinggil sa paglalabas ng mga pampublikong dokumento tulad ng SALN.
Nakasaad sa Seksyon 7 at 8 ng Konstitusyon na bilang Filipino, si Calida ay mayroong karapatang legal upang hingin ang kopya ng SALN at iba pang dokumento ni Leonen.
Iginiit ng Korte Suprema ang R.A. 6713 sa mga desisyon nito na ang mga taong mayroong hawak ng mga pampublikong dokumento ay walang otoridad, o kapangyarihan, na huwag ilabas ang mga pampublikong dokumento.
Idiniin din ng mataas na korte na ang mga humahawak ng mga pampublikong dokumento ay hindi dapat maging dahilan ang mga alituntunin, proseso, na huwag ilabas ang mga pampublikong dokumento sa mga taong humihingi nito.
Kapansin-pansin na inupakan ni ni Drilon ang OSG ilang araw makaraang maghain ng mosyon ang tatlong personalidad sa showbiz sa Commission on Elections (Comelec) na nagsasabing huwag paboran ng huli ang kahilingan ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos II na “third cause” kaugnay sa kanyang protestang elektoral laban kay Bise Presidente Maria Leonor Robredo.
Hiniling nina Agot Isidro, Pia Magalona at ng showbiz reporter na si Noel Ferrer sa Comelec na kilalanin ang Rule 65 sa protesta ni BBM.
Bilang Presidential Electoral Tribunal (PET), ibinasura na ng Korte Suprema ang Rule 65 noong Oktubre 2019.
Sina Isidro, Magalona at Ferrer ay walang “legal personality” sa protestang elektoral ni BBM laban kay Robredo.
Silang tatlo ay napabalitang mga taga-suporta ni Robredo.
Dahil diyan, sila ay bahagi ng puwersang “dilawan” o LP, na tumindig bilang tagapagtanggol ni Leonen.
Si Leonen ay naging mahistrado nang italaga siya sa Korte Suprema ni dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III noong Nobyembre 29, 2012.
Si Aquino ang chairman ng LP ng panahong ito.
Ayon sa kampo ni Marcos, doble-kayod ang LP-Dilawan sa pagtatanggol kay AJ Leonen na lumabag sa SALN Law habang pinababagal ang resolusyon sa kaso ni BBM.
“The personalities coming out lately with political statements and making noise in support of Justice Leonen only strengthens the public doubts and perception of his true leaning and color. The Liberal Party (LP) will be doing Justice Leonen a big favor if they just back off and let him be independent and free from any perceived bias and prejudice that has greatly affected the fair, speedy and just resolution of Sen. Bongbong Marcos’ election protest,” pahayag ni Atty. Vic Rodriguez, abogado at tagapagsalita ni BBM.
